Hiniling ng Land Transportation Office (LTO) sa local government units (LGUs) na suspendihin at repasuhin muna ang ipinatutupad na "no contact apprehension policy" o NCAP.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni LTO chief at Transportation Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, na umaangal ang mga operator ng public utility vehicle tungkol sa pagbabayad ng multa sa traffic violations na gawa ng kanilang mga tsuper.
“Ito po ay pinag-aaralan namin ngayon. Tila po may kakulangan sa policy na maaaring kailangang repasuhin upang ang mismong drayber o nagmamaneho ng sasakyan ang dapat na managot sa paglabag,” anang opisyal.
Ayon kay Guadiz, nakasaad sa batas na ang registered owner ng sasakyan ang dapat magbayad sa traffic violations na kinasangkutan ng kanilang sasakyan alinsunod sa patakaran ng "command responsibility." Bukod pa rito ang paniwala na ang may-ari ng sasakyan ang siyang nagmamaneho nito.
Hinikayat ni Guadiz ang mga lokal na opisyal sa mga lungsod na nagpapatupad ng NCAP na magkaroon ng pag-uusap upang maisaayos ang panuntunan tungkol sa naturang sistema ng panghuhuli sa mga lumalabag sa batas trapiko.
Paliwanag ng LTO, ang LGUs at Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nagpapatupad ng NCAP. Tumutulong lang umano ang LTO sa pamamagitan ng pagpapadala ng alarma tungkol sa sasakyan na may traffic violation.
Binigyan-pansin din ni Guadiz ang mga sasakyan na naibenta na pero hindi pa naililipat sa pangalan ng nakabili ang rehistro ng sasakyan. Kapag nahuli sa NCAP ang sasakyan, ang dating may-ari pa rin ang padadalhan ng notice sa ginawang paglabag sa batas trapiko.
Nitong Linggo, nanawagan ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa Department of Transportation (DOTr) at sa sectoral offices na payagan nang mailipat ang pagmamay-ari ng mga jeepney na wala na sa kanila dahil na rin sa naturang usapin.—FRJ, GMA News