"Mahirap maging mahirap." Ito ang pahayag ng isang ama kaugnay sa kalagayan ng kanilang buhay sa Palawan. Ang padre de pamilya, naging viral ang video sa social media kamakailan makaraan siyang makita ng kaniyang anak na nag-a-almusal ng kaunting kanin na sinabawan ng tubig at asin bago sumabak sa trabaho bilang karpintero.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nalaman na naninirahan sa Puerto Princesa, Palawan ang ama sa video na si Amero Jocame, 61-anyos.
Pero paglilinaw ni Prince, anak ni Amero, at kumuha ng nag-viral na video, hindi niya layon na kaawaan ang kalagayan nila kaya nito kinunan ng video ang ama habang nag-aagahan ng kanin na sinabawan ng tubig at asin.
Sabi ni Prince, inabutan niya ang ama na kumakain kahit asin lang ang ulam bago sumabak sa trabaho.
Ngunit kahit iyon lang ang pagkain, nakita niya ang ama na nakangiti pa rin.
Ayon kay Tatay Amero, itinatago niya ang kaniyang pamilya ang ginagawa niyang almusal. Ayaw daw niyang mag-alala ang mga ito na pupunta siya sa trabaho na kanin, tubig at asin lang ang almusal.
Napag-alaman na sa isang linggo, nasa tatlong beses siyang nagsasabaw ng tubig at asin sa kanin dahil wala naman silang ibang makakain.
Mayroong 11 anak si Amero, at dumidiskarte lang sa pagbebenta ng unan ang kaniyang kabiyak na si Nanay Bing.
Sa isang araw, masuwerte na umano kung kumita si Amero ng P500. Kaya naman madalas na kinakapos sila sa pagkain. Laging inuuna ni Amero na makakain muna ang pamilya, at kung mauubusan, kanin na sinabawan ng tubig at asin muli ang kaniyang magiging panglaman sa tiyan.
Ayon sa asawa at mga anak, masipag at sadyang mapagmahal ang kanilang padre de pamilya.
Tingin ni Tatay Amero sa kaniyang kalagayan, tila nakadikit na sa buhay nila ang hirap.
"Mahirap talagang maging mahirap," saad niya. Kung maalat umano ang asin, mas maalat pa raw kung minsan ang kapalaran.
Sa mahal ng bilihin, nagiging pangarap na lang para kay Tatay Amero na makatikim ng masarap na pagkain tulad ng lechon at relyenong bangus.
"Sabi nila, relyanong bangus masarap daw. Pero pangarap lang 'yon sa akin. Hindi ko rin kayang tuparin yon," sabi niya.
"Parang iniwan ka na ng Maykapal. Parang ikaw na yung pinakawalang pag-asa. Hindi mo maingat- angat ang sarili mo kapag ika'y talagang mahirap," sintemyento pa ni Amero.
Si Amero ay ilan lang umano sa pamilya na nakararanas ng gutom na sinasabing lumalala noong nagkaroon ng pandemya.
Ang lokal na pamahalaan at ang "KMJS," nag-abot ng tulong pinansiyal kay Tatay Amero. Gagamitin daw niya ang pera upang ibili ng hayop na maaalagaan at mapaparami tulad ng mano ng itik.
Bukod sa mga tulong, binigyang katuparan din ang isang parangarap ni Amero. Alamin sa video ng "KMJS" kung ano iyon. Panoorin. --FRJ, GMA News