Tatlo katao-kabilang ang babaeng dating alkalde ng Lamitan, Basilan--ang nasawi sa pamamaril sa Ateneo de Manila University sa Quezon City nitong Linggo.
Kinilala ng Quezon City government ang mga biktima na si dating Lamitan mayor Rose Furigay, ang kaniyang aide na si Victor Capistrano, at security guard ng unibersidad na kinilala ng Ateneo publication na The Guidon na si Jeneven Bandiala.
Nangyari ang pamamaril sa harap ng Areté building, kung saan gaganapin ang pagtatapos ng mga law student.
Kabilang sa mga magtatapos ang anak ni Furigay na kinilalang si Hannah, na nasugatan din sa nangyaring pamamaril at isinugod sa ospital.
Dahil sa nangyari, kinansela ng unibersidad ang nakatakdang graduation ceremony, ayon sa pahayag.
"The University assures the community that its campuses are safe, and security protocols are now being reviewed and strengthened further," ayon sa pahayag ng Ateneo.
"Ateneo is thankful for the swift response and assistance of law enforcement and local government personnel. Ateneo will continue cooperating with the authorities in the investigation of this incident," patuloy nito.
Suspek, arestado
Sa press conference nitong Linggo matapos ang insidente, sinabi ni Quezon City Police District Director Police Brigadier General Remus Medina, na naaresto ang suspek sa pamamaril.
Kinilala ni Medina ang suspek na si Dr. Chao-Tiao Yumol, 38-anyos, residente ng Lamitan.
Lumitaw na kinasuhan ng biktimang si Furigay ng 76 cyber libel cases si Yumol.
Ayon kay Medina, hindi sinabi ni Yumol kung gaano na siya katagal na nasa Metro Manila.
"Wala siyang address. Actually, tinatanong namin kung saan siya nakatira, saan siya nagtatago. Palipat-lipat siya, natutulog siya sa kalsada, sa sasakyan," ani Medina.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabi ni Barangay Loyola Heights chairperson Darwin Hayes, nagpalit ng damit ang suspek bago tumakas matapos ang pamamaril.
Nadakip ang suspek sa malapit sa Aurora Boulevard.
Kinondena, ikinalungkot
Kabilang sana si Chief Justice Alexander G. Gesmundo sa mga bisita sa naturang graduation ceremony pero inabisuhan siyang huwag nang tumuloy dahil sa nangyari.
Sinabi ni SC spokesperson Brian Keith Hosaka na ligtas ang Chief Justice.
Sa isang pahayag, ikinalungkot ni President Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang nangyari.
"We are shocked and saddened by the events at the Ateneo graduation today. We mourn with the bereaved, the wounded, and those whose scars from this experience will run deep," sabi niya sa pahayag.
"We commit our law enforcement agencies to thoroughly and swiftly investigate these killings and bring all involved to justice," patuloy niya.
Kinondena rin ni Basilan Rep. Mujiv Hataman, ang nangyaring pamamaril sa dating alkalde at iba pang biktima.
“We condemn in the strongest terms possible the fatal shooting of former Lamitan City Mayor Rose Furigay and that of her aide the Ateneo de Manila University,” anang mambabatas.
“Kasama na ang nangyari sa kanyang anak na babae na nasugatan sa pamamaril na gawa ng nahuling salarin. Ang krimen ay nangyari sa loob ng unibersidad ng Ateneo sa araw ng pagtatapos ng mga mag-aaral ng institusyon, kung saan ang anak ni Mayor Rose ay kabilang sa mga graduates,” dagdag niya.
Hiniling ni Hataman sa mga awtoridad na magsagawa ng malalim na imbestigasyon at bigyan ng hustisya ang mga biktima.— FRJ, GMA News