Nag-alok ng P1 milyon pabuya si Senador Raffy Tulfo para sa ikadarakip ang suspek sa karumal-dumal na krimen na naganap sa Boac Marinduque noong nakaraang linggo. Ang mga biktima, magkasintahan na nagka-camping sa tabing dagat.

Sa isang pahayag nitong Lunes, mariing kinondena ni Tulfo ang krimen na naging dahilan ng pagkamatay ng 21-anyos na lalaking biktima. Sugatan naman ang nobya nitong 17-anyos, na ginahasa pa umano ng suspek.

Nangyari ang krimen noong madaling araw ng Biyernes dakong 1:30 am sa Barangay Ihatub sa Boac.  

READ: Magkasintahang nagka-camping, inatake ng isang lalaki; babae, ginahasa, nobyo niya pinatay

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bigla umanong pinasok ng suspek ang tent ng magkasintahan at pinagsasaksak ang lalaki. Nakatakbo naman ang babae pero hinabol ng salarin.

Nang abutan, pinagsaksak umano nito ang dalaga at hinalay. Bago tumakas, tinangay ng salarin ang ilang gamit at pera ng mga biktima.

"Walang konsensiya ang gumawa ng ganitong karumal-dumal at kalunos-lunos na krimen," ani Tulfo.

"Kaya ako po ay magbibigay ng P1 milyong pabuya sa ikadarakip ng suspek. Basta sigurado ako na talagang ang may sala ang madarakip at mapananagot," dagdag niya.

Sinabi sa pahayag na ipagbigay-alam lang sa tanggapan ng senador ang impormasyon na makatutulong para madakip ang salarin. --FRJ, GMA News