Binalikan ni Bea Alonzo ang kaniyang humble beginnings bilang isang artista, kung saan naranasan niyang manghiram lang noon ng mga damit sa kaniyang kapitbahay para may magamit sa mga taping.
"It was a rough start for me," sabi ni Bea sa "Updated With Nelson Canlas."
Kuwento ni Bea, nagsimula siya bilang extra na walang mga linya, at nakikisabay lang sa service vehicle sa taping dahil wala pa siyang sasakyan.
"Kahit na isang eksena lang ako kasi extra lang ako, hihintayin naming matapos 'yung buong taping kasi 'yung taping sa Antipolo or sa Tanay, tapos we didn't have a car. Hindi namin alam kung saan kukuha ng taxi. At that time wala namang car services na puwede mong tawagan via app," anang Kapuso actress.
"Tapos na ako at 4 p.m., pack-up na dapat ako, maghihintay kami hanggang 5 am, 6 am para makisabay sa service," pagpapatuloy pa ni Bea.
Bukod dito, wala ring cut-off at mga stylist si Bea kaya sariling sikap lang siya.
"Kapag sinabi na '50 sets, 5-0, of pambahay. Ganiyan ang gagamitin,' as in maghahalughog ka kasi kapag normal na tao ka wala ka namang 50 sets na pambahay," pag-alala niya.
"I remember, halimabawa sasabihin nila '25 sets of panglakad.' Titingnan ko 'yung closet ko, parang tatlong maong na pantalon lang meron ako, saan ako kukuha ng 25?"
Dahil dito, nanghihiram si Bea ng damit mula sa kaniyang mga kapitbahay.
"Kumakatok kami sa mga kapitbahay namin. Magpapahiram naman sila, mababait sila kasi gusto nilang makita sa TV 'yung damit nila," biro ni Bea.
Nang magsimulang kumita si Bea, pumupunta ang kaniyang ina sa Divisoria para bilhan siya ng mga damit.
Ngayong isa nang sikat na artista na bumida sa iba't ibang pelikula at palabas sa telebisyon, hindi pa rin nalilimutan ni Bea na maging mabait sa mga staff at crew sa likod ng camera.
"Kasi kapag extra ka pa lang or bit role pa lang 'yung ginagampanan mo, mas mahaba 'yung paghihintay mo kaysa take mo. Ang dami kong oras para chumika sa wardrobe people, sa mga lighting director, sa gaffers," sabi ni Bea.
"Kesa naman nakatunganga ka lang. At the time wala naman akong cellphone, wala akong ginagawa, like nagbabasa-basa lang ako. I think doon nagru-root 'yon."-- FRJ, GMA News