Binalikan ni Marc Pingris ang buhay niya noong nagbebenta at natutulog pa sila ng kaniyang pamilya sa isang palengke sa Pozorrubio, Pangasinan. Ang basketball player, inaming mama's boy siya at napaaway dahil sa bullying bunga kaniyang "kulay."
Sa "Biyahe ni Drew," ipinasyal ni Marc si Drew Arellano sa kanilang dating puwesto sa palengke sa Pozorrubio. Nagsimula raw na magbenta si Marc ng prutas sa edad na walo o siyam.
"Tumutulong ako. Gigising ako ng 5 in the morning. Mula sa labas binubuhat namin 'yung isang sakong pakwan and then ilalagay ko dito sa puwesto namin," sabi ni Marc.
"Sa pasukan dito dati, ito na tulugan namin, parang ito na 'yung naging bahay din namin dati," kuwento pa ng PBA star.
Ipinakita pa ni Marc ang halimbawa ng patungan ng kanilang panindi na nabubuksan ang ibaba upang doon siya sa matuloy.
Aniya, sako ang nagsisilbi niyang kumot noon, at kung minsan ay walang unan.
Dahil din sa "kakaiba" niyang hitsura, hindi rin naiwasan ni Marc noon ang tuksuhin.
"Tinatawag din nila ako minsan na 'Kano.' Most of the time, ako 'yung 'Tisoy,' 'Puti.' Sometimes kasi it's good, kumbaga kilala ka agad. 'Pag sinabing 'Kano,' elite. But hindi natin matatanggal diyan 'yung may mga bully talaga na sinasabing ampon lang daw ako dahil ako 'yung maputi."
"Kaya lagi akong nasa principal's office before dahil maraming nasusuntok," pag-amin ni Marc. "Masakit din sa akin, and also sa mom ko... At least andiyan ang mom ko to support me na lagi akong pinagsasabihan na 'Hayaan mo sila, mas guwapo ka sa kanila.'"
Dahil dito, inihayag ni Marc na isa siyang mama's boy.
"'Yun ang isang sandata rin na hinawakan ko para maging malakas ako and kumbaga, thankful ako sa kaniya, talagang mama's boy ako. At least nagamit ko 'yung tangkad ko to play basketball."
Tunghayan sa video ang paboritong kakanin ni Marc sa Pozorrubio na empalake na ipinatikim niya kay Drew.--FRJ, GMA News