Maselan ang isa sa mga naging tagpo sa tradisyunal na bull run sa Pamplona sa Espanya matapos na matuhog ng sungay ng toro ang binti ng isa sa mga lalaking nakilahok sa pagdiriwang.
Sa GMA News Feed, makikita sa isang video ang pagtigil ng isa sa mga toro sa daan, bago isa-isang sinuwag ang mga lalaking kalahok sa bull run.
Marami ring kalalakihan at kanilang mga kapwa mananakbo ang natapakan ng toro.
Pagpasok sa ring, dumiretso sa harang ang isang toro at sinuwag ang isa sa mga lalaking umaakyat papunta ng bleachers.
Sa isang litrato, makikitang natuhog ng sungay ng toro ang binti ng isa sa mga runner, samantalang naipit naman ang isang lalaki matapos masuwag malapit sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.
Base sa mga awtoridad, tatlong mananakbo ang napuruhan ng toro sa San Fermin Festival.
Itinuturing na pinakadelikadong bull run ang ginanap dahil mga fighting bull ang pinakawalan ngayon. Kasama rito ang mga toro na marami nang nasuwag at napatay sa mga nagdaang bull run.
Walong bull run ang gaganapin sa naturang tradisyon na tatagal ng isang linggo.
Pakakawalan ang mga toro at makikipaghabulan sa mga runner sa course na may 800 metro ang haba.
Nasa dalawa hanggang tatlong minuto ang tagal ng takbuhan bago sila makarating sa ring.
Anim na runner na ang itinakbo sa ospital sa ikalawang araw pa lamang ng pagdiriwang.
Bahagi na ng tradisyon ng mga Espanyol ang bull run na ginagawa sa iba't ibang bahagi ng Espanya, pero pinakasikat ang selebrasyon sa Pamplona.
Labing anim nang mananakbo ang nasawi sa bull run sa mga nagdaang taon.
Sa kabila nito, maraming kalalakihan pa rin mula sa iba't ibang bansa ang dumarayo sa Espanya para sumali sa tradisyon.--FRJ, GMA News