Isiniwalat na ni Pokwang kung bakit sila naghiwalay ng nobyong si Lee O’Brian. Sa kabila ng nangyari, ipinagtanggol pa rin ng aktres ang dating karelasyon.
Sa panayam ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, emosyonal na nilinaw ni Pokwang na walang katotohanan ang sinasabi ng ilang tao sa lumalabas sa social media.
“Una sa lahat, walang third party in all fairness kay Papang [Lee]. Hindi rin pera. Walang ganon," ani Pokwang. "Siguro baka napagod lang kami.”
“Sana alam ng tao na iyong hinuhusgahan niyo na si Lee O’Brian ay mabuting tao naman po, mabuting ama. Nasasaktan lang ako do’n sa mga nababasa ko kesyo palamunin ko raw. Masipag po iyong tao,” depensa pa niya.
Sinabi rin ni Pokwang na pinili niyang sarilinin ang kanilang paghihiwalay, gaya umano ng ginagawa niya sa ibang problemang dumarating sa kaniyang buhay.
“Ako iyong taong lahat tinitiis ko. Hangga’t kaya ko, ako lang. Hangga’t kaya kong itago sa mga anak ko, huwag iiyak sa kanila, lahat ng burden, gusto ko ako lang,” sabi ng emosyonal na si Pokwang.
“Parang nahihiya akong mandamay sa pamilya ko, which is naisip ko ngayon na kaya nga pamilya, dapat damayan,” patuloy niya.
Una nang kinumpirma ni Pokwang ang napabalitang hiwalay na sila ni Lee. Anang aktres, maayos ang kanilang paghihiwalay at nananatili silang magkaibigan.
Mayroong isang anak sina Pokwang at Lee, na si Malia.-– Jamil Santos/FRJ, GMA News