Isa na namang trahediya ang nangyari sa Amerika na may kinalaman sa baril ng magulang na napaglaruan ng isang batang walong-taong-gulang. Sa pagkakataong ito, isang sanggol ang nasawi, at sugatan ang isa pang bata.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing nangyari ang insidente sa Florida. Inaresto ang ama ng batang nakabaril na si Roderick Randall, 45-anyos.

Mahaharap siya sa mga kasong culpable negligence, unlawful possession of a firearm at concealment of evidence, ayon kay Escambia County Sheriff Chip Simmons.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na nagtungo sa isang motel si Randall at doon kinatagpo ang kaniyang nobya.

Kasama ni Randall ang kaniyang anak na lalaki na walong-taong-gulang. Bitbit naman ng babae ang anak niyang sanggol na isang-taong-gulang, at kambal na babaeng anak na edad dalawa.

Dahil mayroong criminal record si Randall, hindi siya maaaring magmay-ari ng baril.

Nang lumabas umano ng motel si Randall, iniwan umano nito ang baril sa "closet," ayon sa sheriff sa ginanap na press conference.

Doon na pinaglaruan umano ng anak ni Randall ang baril, habang natutulog ang ina ng mga batang babae.

"He pulls the gun from the holster, starts playing with it and fires a round into the one-year-old toddler, ultimately killing the one year old. The bullet then goes through and strikes one of the two year old toddlers who's injured but is expected to recover," sabi ng sheriff.

Nang bumalik umano si Randall, kinuha nito ang baril at pinaniniwalaang ilegal na droga bago dumating ang mga pulis.

Ang pagkamatay ng sanggol ang pinakabagong insidente ng karahasan sa US na kinasasangkutan ng baril ng mga magulang na napaglalaruan ng mga batang anak.

Kamakailan lang, isang ama ang nasawi matapos siyang mabaril ng kaniyang dalawang taong gulang na anak sa Florida rin. Ang baril ay pagmamay-ari ng ama.

"Every year, hundreds of children in the United States gain access to unsecured, loaded guns in closets and nightstand drawers, in backpacks and purses, or just left out," ayon sa isang ulat kamakailan ng Everytown For Gun Safety.

"With tragic regularity, children find these unsecured guns and unintentionally shoot themself or someone else."

Nais ng grupo na higpitan ang regulasyon sa pagkakaroon ng armas.

Tinatayang 350 katao umano ang nasasawi bawat taon dahil sa "unintentional shootings" na kinasasangkutan ng mga minor de edad.-- AFP/FRJ, GMA News