Busy ngayon sa mga proyekto ang Kapuso actor na si Ruru Madrid. Bukod sa kaniyang upcoming action-adventure series na "Lolong," kasama rin siya sa Philippine version ng hit Korean show na "Running Man." Pero bago ang mga tagumpay na ito, inamin ng aktor na nagkaroon siya ng pagdududa sa sarili at sumagi sa isipan niya na tumigil na sa showbiz.
Sa isang episode ng “Updated with Nelson Canlas,” sinabi ni Ruru na taong 2019 nang makaramdam siya na baka hindi para sa kaniya ang showbiz.
“Parang feeling ko kahit naman anong ibigay ko dito sa ginagawa ko, laging may masasabi at masasabi pa rin ang mga tao, and hindi pa rin nakikita 'yong efforts na ginagawa ko,” ayon sa aktor.
Sa taong iyon, natapos ang kaniyang rom-com series na “TODA One I Love.” Kaagad niyang nalaman na bibida siya sa “Lolong,” at makakasama sa “Running Man Philippines.”
Kaagad na naghanda umano si Ruru para sa “Lolong,” at sumabak sa mga workout.
"[Pero] Ang daming nangyari, nag-pandemic,” saad ng aktor, na nakaramdam na umano noon ng depresyon.
“So dalawa [yung shows na nakaplano] and then no'ng nag-pandemic biglang 'ooops' hindi natuloy,” ani Ruru.
At kahit unti-unti nang humuhupa ang sitwasyon na dulot ng pandemic, marami pa ring pangyayari na nakaapekto sa kaniyang mga proyekto.
Naalala ni Ruru nang kailangan palitan si Sanya Lopez bilang leading lady niya sa proyekto at muling nagpatawag ng audition.
"And then kada mag-te-taping kami, biglang may re-revise sa script, magsu-shoot na dapat kami ng plug, biglang bumagyo. As in nasira 'yong studio, gano'ng level,” kuwento niya.
Inihayag ni Ruru sa nagdaang dalawang taon ay nakaramdam na siya ng insecurity.
“Doon sa two years na 'yon, nangangapa rin ako sa sarili ko na, ‘hala sila ang dami nilang ginagawang project, ako wala pa. Sila may trabaho, ako wala pa,'" pahayag niya.
“So parang for me baka hindi nga ito 'yong bagay na para sa akin, kasi parang pakiramdam ko lahat ng mga bagay na malapit ko na makuha noon, unti-unti na siya nawawala ngayon,” patuloy niya.
Sa kabila nito, pinili ni Ruru na magiging matatag at harapin ang mga pagsubok ng industriya na kanilang minahal.
Natutunan na niyang magtiwala at maghintay ng tamang oras na itinakda para sa kaniya.
“It’s not the destination, it's always the journey 'di 'ba? Sabi nga nila na parang kahit na gaano pa kaganda 'yong destination mo, kung hindi mo naman pinaghirapan or kung hindi mo nadaanan, hindi mo na-enjoy 'yan, hindi mo siya gano'n ma-appreciate e,” sabi ni Ruru.
“Hindi mo siya ganiyan titingnan and for me naniniwala talaga ako na may perfect timing para sa lahat ng bagay. Kung hindi pa yan para sa 'yo sa araw na ito, but for sure someday sa'yo 'yan. Someday ma-experience mo yan, someday dadating din yan sa'yo. So kailangan mo lang talaga ng patience and kailangan mong magtiwala sa sarili mo.”
Mapapanood na ang “Lolong” simula sa July 4, at magsisimula na ring mag-taoing sa South Korea ang “Running Man Philippines.” — FRJ, GMA News