Pagsapit ng gabi, nabubulabog na ang mga residente sa isang barangay sa Catandunes dahil sa ingay na nililikha ng mga "bubble frog" na hindi likas na nanggaling sa Pilipinas. Palaisipan pa rin kung papaano ito nakapasok sa bansa.
Sa programang "Born To Be Wild," inilahad ng ilang residente sa Barangay Cavinitan, ang kanilang kalbaryo dahil sa ingay ng naturang uri ng palaka na tila ungol ng baka. Umaabot pa kung minsan ang ingay nila hanggang bukang-liwayway.
Ang estudyanteng si Emmanuel Cascante Jr., hindi makapag-focus sa pag-aaral dahil sa tunog ng mga naturang palaka.
Sinabi ni Cascante na napansin nilang nagkaroon ng mga bubble frog sa Catanduanes matapos ang pananalasa ng Bagyong Rolly noong 2020.
"Kung gusto mong makatulog, labasin mo... sa sobrang ingay," sabi ng residenteng si Carlito San Juan.
Ayon kay "BTW" host Doc Ferds Recio, humuhuni ang mga bubble frog para makahanap ng "mate" o partner. Lumulobo ang kanilang vocal saps sa tuwing gumagawa ng tunog.
Kaya pagsapit ng gabi, mas maririnig ang ingay ng napakaraming bubble frog, na naglalabasan pagkatapos umulan.
Nagkalat na ang mga bubble frog sa iba't ibang lugar sa Pilipinas, tulad ng La Union at Laguna. Ngunit hindi pa rin matukoy kung paano nakarating sila nakarating sa Pilipinas.
Ang bubble frog o banded bullfrog ay mga kaloula pulchra. Itinuturing silang invasive species o hindi natural na nakikita sa Pilipinas.
Sa isang panayam noon ng "BTBW," sinabi ni Dra. Leticia Afuang, professor, UPLB Herpetology, Wildlife Biology and Conservation, makikita sa China ang mga bubble frog.
Hindi pa umano matagal nang makapasok sa bansa ang naturang uri ng palaka.
Isa sa mga dahilan ng mabilis nilang pagkalat sa isla ang bilis nilang mag-reproduce o magparami.
Panoorin sa Born To Be Wild ang mga katangian ng bubble frog, at ano ang mga hakbang na gagawin ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes para mabawasan ang kanilang ingay. --FRJ, GMA News