Kalbaryo ang dinanas ng isang babae nang makaranas ng pangungutya dahil sa kondisyong strabismus o pagkaduling. May paraan pa ba kung papaano maaayos ang ganitong kondisyon?
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Bam Alegre, sinabing lumalabo ang mga bagay na malalayo habang dumudoble naman ang mga bagay na malalapit sa paningin ni Jennifer Vergara dahil sa strabismus.
Esotropia o paloob na direksyon ng mata ang klasipikasyon ng pagkaduling ni Jennifer.
Paniwala ng pamilya ni Jennifer, nagkaroon siya ng strabismus dahil sa labis na pagduyan sa kaniya noong sanggol pa lamang siya.
"Ramdam ko po kasi na hindi ako makapag-eye-to-eye contact at ramdam ko rin 'yung tao kapag hindi siya kumportable ring kausap," sabi ni Jennifer. "Wala pong problema sa aking paningin. Pero 'yung problema 'yung paningin ng ibang tao."
Si Jennifer lamang ang may strabismus sa anim na magkakapatid.
Dahil sa kondisyon, naging pasakit kay Jennifer ang pagpasok sa eskuwelahan nang maging tampulan siya ng tukso.
"Sa school ko na po narinig 'yung term na duling. Never ko naman po siyang narinig sa bahay. Sa araw-araw na pagpasok ko sa school, araw-araw ko na rin po siyang naririnig," anang dalaga.
Napagtanto ni Jennifer na kakaiba siya noong tumuntong na siya ng high school, kung saan doon bumaba ang kaniyang kumpiyansa sa sarili.
"Duling,' 'Dalawa ang paningin,' 'Maganda ka sana kaso... pero...' Laging may karugtong. 'Maganda ka, duling ka lang.' Masakit po kasi pakiramdam ko iba po ako," sabi ni Jennifer.
"Lumalaki po ako na 'yung term na 'duling' 'yun na 'yung naging nickname ko sa araw-araw na pumapasok ako, walang araw na hindi ko maririnig 'yung term na 'yun," naiiyak niyang sabi, na nakaramdam din noon ng dalamhati nang magkaroon ng mga manliligaw ang kaniyang mga kapatid ngunit walang sumusuyo sa kaniya.
Paliwanag ng opthalmologist ng De La Salle Medical Center Hospital na si Dr. Silvestre Pascual, hindi totoo ang paniwala ng pamilya ni Jennifer na ang strabismus ay dulot ng palagiang pagduyan sa kaniya noon.
Hindi rin daw kasama sa dahilan ng tunay na pagkaduling ang taong nahipan ng hangin matapos niyang magduling-dulingan.
Nagdesisyon si Jennifer na ipaayos ang kaniyang mga mata sa pamamagitan ng isang eye muscle surgery noong 2017.
Isinaayos ang mga muscle ng parehong mata para magtugma ang direksyon ng paningin ni Jennifer.
Nagkakahalaga ang operasyon ng P50,000.
Kaya naman ang babae na naging tampulan ng tukso noon, nililingon na ang kagandahan ngayon.
"Noong una ko pong makita 'yung mata ko sa mga salamin, umaapaw po ng saya ang puso ko. Hindi po ako makapaniwala. 'Ito na 'yun! Okay na!' Nangyari na ang matagal kong hinihintay," sabi ni Jennifer.
"Walang sinuman ang deserve ma-bully. Kasi 'yung sakit, lilipas ang panahon puwedeng maghilom. Pero 'yung traumang na-experience namin, hanggang sa pagtanda dala-dala namin," dagdag ng dalaga. —LBG/FRJ, GMA News