Humiling ng diborsiyo ang isang lalaki sa China matapos niyang madiskubre, pagkaraan ng 16 na taon ng kanilang pagsasama, na hindi pala siya ang ama ng tatlong anak na babae ng kaniyang misis.
Sa ulat ng South China Morning Post, sinabing noong una ay nagawa pang patawarin ng lalaking kinilala bilang si Chen, mula sa Jiangxi province, ang ginawang pangangaliwa ng kaniyang misis na kinilala bilang si Yu.
Pero tila napuno ang salop ang 45-anyos na si Chen nang malaman niya sa paternity test na lahat ng tatlo nilang anak na kaniyang itinaguyod ay hindi pala sa kaniya.
Lagi umanong wala sa bahay si Chen dahil malayo ang pinagtatrabahuhan nito. Pero hindi raw inakala ng lalaki na nagtataksil ang kaniyang misis dahil madalas silang nagtatawagan.
Pero nitong unang bahagi ng taon, kinutuban umano si Chen nang magsimula nang iwasan ni Yu ang kaniyang mga tawag. Nais din daw ng misis na magtrabaho, ayon sa ulat ng Jiangxi Radio at TV Station sa China.
Upang masubaybayan ang kaniyang misis, minanmanan ni Chen ang GPS sa telepono ni Yu nitong Marso. Dito niya natuklasan ang pakikipagtagpo ng kaniyang misis sa hotel na may ibang lalaki na kasama.
Nang magsagawa ng paternity test sa isang anak nila, nalaman ni Chen na hindi siya ang ama nito. Pero pinili pa rin niya na manatiling buo ang pamilya.
Gayunman, hindi na kinaya ni Chen nang malaman na pati ang dalawa pa nilang "anak" ay hindi rin pala sa kaniya. Matapos ang rebelasyon, bigla na lang umanong naglaho si Yu.
Umiiyak na nakapanayam ng local media si Chen. Habang si Yu, nanindigan hindi siya nagtaksil sa mister.
Binatikos din ni Yu si Chen sa plano nitong ipa-divorce siya matapos na malaman na iba ang ama ng kanilang mga anak.
Tinanong niya kung mahalaga ba na maging biological father ng kaniyang mga anak si Chen gayung siya ang tinatawag at kinikilalang ama ng mga bata. --FRJ, GMA News