Katuwaan na katatakutan lamang ang layunin ng horror attraction na Nightmares Manila para sa mga bibisita dito sa BF Homes sa Parañaque City. Pero may tunay kayang kababalaghan na matutuklasan ang paranormal expert na si Ed Caluag?
Sa "Dapat Alam Mo!" ipinaliwanag ni Roland Sarmiento, Marketing Manager ng Nightmares Manila, na mayroon silang iba't ibang tema para maging nakapaninindig-balahibo ang kanilang horror attraction.
Mayroon silang dalawang horror house na Nightmares Manila at ang Japanese Schoolhouse; Zombie Assault na puwedeng makipagbarilan sa mga zombie; at apat na interactive na escape room.
"Dati siyang school building na nagsara five or 10 years ago, na lumipat lang ng ibang lugar," sabi ni Sarmiento tungkol sa establisyimento.
Tampok din sa Nightmares Manila ang mga sikat na horror character na sina Pennywise, Chucky at Valak, hanggang sa mga nakakatakot na bida ng isang masamang panaginip.
Hindi pinalagpas ng paranormal expert na si Ed Caluag na bisitahin ang Nightmares Manila.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, may nakita si Ed na kakaiba na hindi kabilang sa mga empleyadong nagpapanggap na mga elemento.
"'Yung treatment dito sa place nakaka-invite talaga. Meron akong nakita kanina na hindi part nitong mga group na ito," komento ni Ed tungkol sa kaniyang nakita. "May babae nakaupo sa may hallway along the library ba 'yun? Meron do'n."
May nakita rin si Ed na nakatayo na tila sillhouette sa sulok ng isang slaughter house.
"'Pag 'yung fear naipon sa bawat corner nito, that's the time na makaka-invite tayo ng tunay na entities," sabi ni Ed.
Hanggang sa tila magparamdam na rin sa crew ang mga nakikita ni Ed nang magloko ang audio at ilaw.
"Dito, dito sa part na ito, mayroon tayong kasama kasi," sabi ni Ed. "Hindi siya tao."
Kalaunan, nag-aya na si Ed na lumabas ng horror house dahil hindi na maganda ang kaniyang pakiramdam.
"Kuya labas na tayo, labas na tayo. Hindi maganda, labas na tayo," anang paranormal expert.
Panoorin ang buong karanasan ni Ed nang makakita siya ng mga hindi niya kadalasang nakikita sa isang horror house.-- FRJ, GMA News