Matapos itampok sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" noong nakaraang taon ang kuwento ng batang nawala noong 1989, ngayon, makakapiling na niyang muli ang kaniyang pamilya. Ihanda ang panyo sa nakaaantig na kuwento ni Alvin Bachli.
Matapos mawala noong 1989, inampon at dinala sa Autralia ang noo'y bata pa lang na si Alvin. Lumaki na matagumpay sa buhay si Alvin at nagkaroon na rin ng sarili niyang pamilya.
Pero sa kabila ng lahat, ramdam ni Alvin na may kulang sa kaniyang pagkatao kaya pagkaraan ng mahigit 30 taon ay hinanap niya ang kaniyang pamilya sa Pilipinas.
Sa tulong ng "KMJS," nahanap ang mga kapatid ni Alvin sa Pilipinas na sina Glenda at Marilyn. Naging malaking tulong din sa pagkuha ng impormasyon ang natatandaan ni Alvin na kaibigan niyang si "Putol" at ang kambal nilang kapitbahay.
Hindi malilimutan ni Alvin si Putol dahil siya ang naging dahilan para maputol ang bahagi ng isang daliri nito dahil sa aksidente sa bisikleta.
Hanggang sumailalim na sa DNA test ang magkakapatid noong nakaraang taon at lumabas ang resulta na positibong magkapatid nga sila.
READ: Batang nawala noong 1989, nakita na ang kaniyang pamilya
Gayunman, nakaramdam ng lungkot si Alvin nang malaman niyang pumanaw na pala ang kanilang ina na hindi raw tumigil sa pagdarasal na makita sana siyang muli.
Dahil sa COVID-19 pandemic, hindi kaagad nakauwi ng Pilipinas si Alvin para makita niya nang personal ang dalawa niyang kapatid na nawalay nang 34 na taon.
Pagkaraan ng pitong buwan at naging mas maluwag na ang patakaran sa pagbiyahe, babalik na muli si Alvin sa Pilipinas at makikita na niya sina Glenda at Marilyn-- at ang puntod ng kanilang ina.
Tunghayan ang nakaantig nilang pagtatagpo at isa-isang babalikan ni Alvin ang mga lugar ng kaniyang kabataan, pati na ang ampunan kung saan siya napunta nang siya'y mawala. Panoorin ang video. --FRJ, GMA News