Mangangailangan ng mga manggagawang Pinoy para sa iba't ibang industriya ang mga bansang Japan, Saudi Arabia at Israel. Ang mga alok na trabaho, walang placement fee.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA news “24 Oras” nitong Martes, sinabi nito na 300 caregiver at 50 nurses ang kailangan ng Japan.

Bukas naman ang Saudi Arabia para tumanggap ng 850 registered nurses at 50 midwives.

Habang ang Israel, kayang tumanggap ng hanggang 2,000 home-based caregivers na aabot ang sahod sa katumbas na P77,000 bawat buwan.

Bukod pa ito sa 60 hotel workers na kailangan din ng Israel.

Ang naturang mga trabaho ay produkto ng tinatawag na "government to government" track kaya hindi na kailangan ng placement fee. 

Pero dapat sa bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW) mag-apply ang mga interesado.

“Directly, they can go to our employment branch para mag-submit po sila ng kanilang mga application. Pero ang unang-unang process po is online application and then the rest of the procedure will follow,” paliwanag ni Atty. Rosemarie Duquez, Career Executive Service Board of government placement branch.

Isa si Roselyn Naneth Asistores sa mga mapalad na bibiyahe sa Israel para magtrabaho bilang hotel worker.

Bukod sa malaking sahod na aabot sa katumbas na P74,000 per month, mayroon pang mga benepisyo tulad ng mandatory health insurance, annual leave with pay, at pagkakataon na ma-promote at tumaas ang sahod.

“Bilang isang housewife na nangangarap na tumulong sa kanyang asawa at saka mga anak kailangan ko po talaga ito,” ani Asistores.

“Malaking kita na hindi kayang mabigay dito sa Pilipinas, aminin talaga natin hindi matapatan,” pahayag naman ni Loven Lopez, isang pang Filipino hotel worker sa Israel.

Ayon kay Israel Ambassador Ilan Fluss, gusto ng Israeli government ang mga Filipino worker dahil sa pagiging masipag ng mga Pinoy.

“There is a lot of appreciation for the Filipino workers in Israel and hardworking, very loyal, and as you know caregiver is a very sensitive area in taking care of people,” anang opisyal.

Ang mga nais mag-apply ay maaaring bumisita www.dmw.gov.ph para sa karagdagang impormasyon.—FRJ, GMA News