Isang lalaki sa Pinamungajan, Cebu ang madalas tayaan ng mga tao sa "swertres" dahil tumatama sila. At ang pinaniniwalaan nilang "lucky charm," ang "buntot" na taglay ng lalaki--na si Ceto Matmat.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing may tumaya na kay Ceto ang tumama ng mahigit P20,000. Mayroon din suwerteng ilang beses nang tumama, at may tumama na nakapagpundar ng gamit, at ang iba ay nagkaroong panggastos sa kanilang pangangailangan.
Naniniwala ang mga mananaya na naaambunan sila ng taglay na suwerte ni Ceto--ang tila buntot o balat na nakausli sa kaniyang puwetan na halos kasinghaba ng hintuturo.
Ayon sa ina ni Ceto na si Fe, sanggol pa lang ay mayroon nang "buntot" ang kaniyang anak na 23-anyos na ngayon.
"Nang buntis ako yung kapitbahay namin mayroon silang baboy. Tapos kapag binasa ko siya (baboy) parang ang ganda niyang pagmasdan (ng buntot). Nalilibang ako," kuwento ni Aling Fe.
Pero kung suwerte ang mga tumataya, aminado naman si Ceto na tila kapos naman siya sa suwerte dahil hirap pa rin sila sa buhay.
Madalas din daw na may nangungutya sa kaniya dahil sa kaniyang buntot.
Pero sa kabila nito, pursigido si Ceto na makatapos ng pag-aaral. Grade 12 na siya ngayon, at pinagsasabay ang pag-aaral at trabaho para makatulong sa pamilya.
Dahil na rin sa kakapusan ng pera hindi pa naipapasuri sa duktor ang kaniyang "buntot."
Kaya naman dinala sa espesyalista si Ceto para maipasuri kung ano ang nakalawit na balat sa kaniyang likuran.
Ano nga ba ito at papayag kaya siyang alisin ang "buntot" na itinuturing suwerte ng iba, habang nagiging dahilan naman ng pangungutya sa kaniya? Panoorin ang buong episode sa video. --FRJ, GMA News