Inihayag na ng Iglesia ni Cristo ang mga kandidato na kanilang susuportahan sa Eleksyon 2022. Kilala ang INC sa kanilang bloc voting.
Sa pagkapangulo, pinili ng INC na suportahan si presidential bet Ferdinand Marcos Jr., habang si Davao City Mayor Sara Duterte naman para sa pangalawang pangulo.
Ang mga kandidatong senador na susuportahan naman ng INC ay sina:
Jejomar Binay
Alan Peter Cayetano
JV Ejercito
Guillermo Eleazar
Francis Escudero
Jinggoy Estrada
Sherwin Gatchalian
Loren Legarda
Robin Padilla
Joel Villanueva
Mark Villar at
Juan Miguel Zubiri.
Ginawa ang anunsiyo sa Net 25 ng Iglesia ni Cristo nitong Martes.
Nagpahayag naman ng pasasalamat sina Marcos at running mate niyang si Duterte sa suporta ng INC.
"Ako po at ang aking pamilya, sampu ng buong alyansang nakapaloob sa Uniteam ay labis na nagagalak at buong pusong nagpapasalamat sa suportang inihayag ng kapatirang Iglesia Ni Cristo sa pangunguna ng inyong tagapamahalang pangkalahatan kapatid Eduardo V. Manalo," ani Marcos sa pahayag.
"Sisikapin po namin na ang tiwalang pinagkaloob ninyo sa aming tambalan ay magbubunga ng tunay na pagkakaisa ng mga Pilipinong nagmamahal sa Pilipinas at walang alinlangan na sama-samang haharap sa mga pagsubok na dadaanan sa paghahanda ng magandang bukas para sa ating mga kabataan," patuloy niya.
Sinabi naman ni Mayor Sara na may malaking karangalan na may kaakibat na hamon ang basbas ng INC.
"Ang pagpili sa amin ni apo Bongbong Marcos bilang mga kandidato na inyong sinusuportahan sa pagkapresidente at bise presidente sa darating na halalan ay isang malaking karangalan na may kaakibat na hamon na nakatuon sa aming kakayahan mapag-isa ang bansa at mapagbuklod ang mga Pilipino at maitawid ang sambayanan sa krisis na dulot ng pandemya," anang alkalde. —FRJ, GMA News