Kahit gaano pa karaming himala at milagro mula sa Langit, hindi pa rin mananalig ang mga taong negatibo. (Lucas 11:29-32)
“Kaya’t sinabi ni Hesus: 'Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, Doktor, gamutin mo muna ang iyong sarili. Marahil sasabihin pa ninyo, gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.'” (Lucas 4:22-23)
TOTOO ang kasabihan na “you cannot please everybody.” Nakapahirap talagang pakibagayan ang mga tao na masyadong “nega.” Sila ang tao na hindi marunong makontento.
Kahit ang ating Panginoong HesuKristo noong panahon Niya ay hindi hindi rin nakaligtas sa mga negatibong pananaw ng mga Pariseo at mga Tagapagturo ng Kautusan.
Kaya ganito ang pananaw ng mga taong ito ay dahil masyadong makitid ang kanilang pag-iisip. Tandaan lamang natin na parating “nega” ang isang tao hangga’t nananatiling sarado ang kaniyang puso at isipan sa magandang ginagawa ng kaniyang kapwa.
Laging kulang at hindi maganda ang kanilang pagtingin sa mga mabubuting bagay na ginagawa ng kaniyang kapwa. Katulad sa karanasan ng ating Panginong Hesus na nagpapagaling ng mga bulag, pipi, pilay, mga ketongin at sinaniban ng demonyo.
Hindi tinatantanan ng batikos si Hesus mula sa mga Judio. Wala sa kanilang bokabulayro ang salitang “appreciation.” Sinisikap nilang hanapan Siya ng butas upang mayroon silang maisumbong sa mga Saserdote laban sa Kaniya.
Ang paglalahad ng kuwentong ito tungkol sa mga taong “nega” ay hindi nalalayo sa mensahe ng Mabuting Balita (Lucas 11:29-32). Matapos wikain ni Hesus na napakasama ng mga tao sa panahong iyon dahil naghahanap sila ng palatandaan mula sa Langit.
Nang dumagsa ang mga tao, sinabi ni Hesus, “Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaan mula sa Langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas”. (Lc. 11:29)
Ang mga Judio sa Ebanghelyo ay humihingi ng mga palatandaan mula kay Hesus para lamang patunayan ang Kaniyang pagiging tunay na Diyos. Nais ng mga Judio na magpakita sa kanila ng patunay si Hesus bago sila manampalataya.
Para sa mga taong may malakas na pananampalataya sa Diyos, hindi na kailangan pa ng isang himala o palatandaan. Taliwas sa mga taong may negatibong pananaw, may pagdududa at pag-aalinlangan.
Kahit gaano pa karaming himala at palatandaan ang kanilang masaksihan at makita, hindi pa rin sila mananalig sapagkat sarado ang kanilang puso at isipan.
Ano pa ba ang kailangan patunayan ng ating Panginoong Diyos para lamang manampalataya at manalig sa Kaniya ang mga tao? Ano pa bang palatandaan ang kailangan para lamang mabuksan ang puso’t isipan ng mga taong negatibo?
Ang mga biyayang dumarating sa ating pang-araw araw na buhay ay isa nang maliwanag na palatandaan na buhay ang presensiya ng Diyos sa atin.
Ang pagmulat pa lamang ng ating mga mata mula sa mahimbing na pagkakatulog ay isa nang napakalaking biyaya mula sa ating Panginoon.
Dahil ito'y buhay na Kaniyang ibinibigay sa atin. At sa bawat araw na ating hinaharap, ang handog nito ay bagong pag-asa kahit pa may kasamang bagong hamon sa ating buhay.
Hindi pisikal na makikita ang Diyos o hindi Siya makikita sa pamamagitan ng dalawang mata kung ito ang uri ng palatandaan na nais ng mga Judio sa ating Pagbasa. (Lc. 11:29-32). Sa halip, makikita natin ang Panginoong Diyos sa pamamagitan ng mga taong ginagawa niyang instrumento para maiparamdam ang Kaniyang presensiya.
Ito ang mga taong nagbibigay ng tulong, kumakalinga, nagmamahal at magmamalasakit sa mga nangangailangan, at nagbibigay ng pag-asa.
Alalahanin ang talatang ito: “Sasabihin ng Hari, 'Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga Alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan”. (Mateo 25:40 – Ang Paghuhukom)
MANALALANGIN TAYO: Panginoon naming Diyos, turuan Mo po kami na maging bukas ang aming puso’t isipan upang makita namin ang magagandang bagay na ginagawa ng aming kapuwa. Nagpapasalamat din po kami sa Inyong mga biyaya na palatandaan ng Iyong presensiya. AMEN.
--FRJ, GMA News