Sa kabila ng mga pagtaya na magkakaroon ng mas malakihang oil price hike sa susunod na linggo, inanunsiyo ng Petro Gazz na magpapatupad sila ng malaking bawaS-presyo sa diesel at gasolina sa darating Marso 10-13.
Sa inilabas na abiso nitong Miyerkules, sinabi ng Petro Gazz na P5.85 per liter ang tatapyasin nila sa presyo ng diesel at P3.60 per liter naman sa gasolina sa lahat ng kanilang gas station sa bansa.
Epektibo umano ang price adjustment simula 6 a.m. sa March 10.
Layunin umano ng price rollback na, “minimize the impact to motorists since we are expecting another round of oil price hike next week,” ayon sa Petro Gazz.
Nito lang nakaraang Martes, ipinatupad ang nasa P5.85 per liter na taas sa presyo ng diesel, at P3.60 per liter naman sa gasolina.
Ayon sa oil industry source ng GMA News Online, posibleng lalo pang sumipa sa susunod na linggo ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ang presyo ng diesel, posibleng madagdagan umano ng P12.72 per liter. Habang P8.28 per liter naman sa gasolina.
Simula nitong Enero, P11.65 per liter na ang itinaas ng presyo ng diesel, P9.65 per liter naman sa gasoline, habang P10.30 per liter sa kerosene.
Ang digmaan ng Ukraine at Russia ang isa sa mga itinuturong dahilan ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado—FRJ, GMA News