Taong 1997 nang makitang nag-iisa at umiiyak ng isang nagdedeliber ng prutas sa Dagupan City, Pangasinan ang isang-taong-gulang na babae, na kaniyang kinuha at dinala sa Ilocos Sur. Ngayon, 24-anyos na ang naturang babae, nangungulila at hinahanap ang tunay niyang pamilya.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang naturang babae na pinangalanang Jadelhyn Calixterio, naninirahan ngayon sa San Juan, Ilocos Sur.
"Tuwing titingin ka sa salamin, mararamdaman mo na may kulang. Iisipin mo, 'hinahanap kaya nila ako? Naalala pa kaya nila ako?'" malungkot niyang pahayag.
Kuwento ni Calixterio, taong 1997 nang makita siya ng umampon sa kaniya sa isang bakuran ng bahay sa Dagupan City.
Umiiyak daw ang batang babae at mag-isa lang. Dahil sa pangamba ng umampon sa kaniya na may ibang kumuha sa kaniya at may gawin na hindi maganda, nagpasya ito na dalhin siya sa Narvacan, Ilocos Sur.
Kinalaunan ay ipinarehistro na siya doon sa pangalan na ginagamit niya.
Gayunman, hindi na raw matandaan ngayon ng umampon sa kaniya ang eksaktong lugar kung saan siya sa Dagupan nakita.
Bukod sa dalawang lumang larawan noong bata pa siya, mayroon din siyang isang lumang bistida na, ayon sa umampon sa kaniya ay suot niya nang makita siya sa Dagupan.
Pero ang iba niyang kapitbahay, sinasabing iba ang suot niya noon at mayroon pa raw siyang kuwintas.
Taong 2018, magpasya siyang hanapin sa Pangasinan ang tunay niyang mga magulang pero nabigo siya.
Isa na ngayong midwife at medicine student si Calixterio, at nais niyang mabuo ang kaniyang pagkatao.
Ang pamilya ng kaniyang nobyo, todo suporta naman upang mahanap ang tunay niyang mga magulang.
Panawagan at pagsusumamo ni Calixterio sa hinahanap niyang tunay na ina: "Kung nasaan man kayo, 24 o 25 years na akong nawawala. Sana maalala niyo pa ako, sana hanapin din niyo ako."
--FRJ, GMA News