Lumitaw sa pagdinig ng Senado nitong Biyernes tungkol sa mga nawawalang sabungero na umaabot sa P3 bilyon bawat buwan ang kinikita ng kompanya pa lamang ni Atong Ang sa e-sabong. Ang nakokolektang taya sa isang buwan, nasa P60 bilyon umano.
Mismong si gaming tycoon Charlie “Atong” Ang ang nagsiwalat sa buwanang kita sa e-sabong ng kaniyang kompanya na Lucky 8 Star Quest Inc. , habang ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), sinabing P640 milyon bawat buwan ang nakokolektang buwis.
Sa pagpapatuloy ng Senate committee on public order and dangerous drugs nitong Biyernes, inalam ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kung magkano umaabot ang taya sa e-sabong bawat araw sa kompanya ni Ang.
“I just want to place on record the magnitudes of the money we are talking about here which could give rise to incidents such as these,” paliwanag ni Drilon.
Ayon kay Ang, nakatatanggap ang kompanya niya ng nasa P1 hanggang P2 bilyong halaga ng taya bawat araw.
Sa buong buwan, nasa P60 bilyon umano ang nakokolektang taya kung araw-araw ang operasyon ng kanilang e-sabong.
Sa P60 bilyon, sinabi ni Ang na nasa 5% o P3 bilyon ang nakukuha nilang komisyon.
“Five percent of P60 billion is roughly P3 billion per month. [‘Yun] ang commission ninyo?” tanong ni Drilon.
Inayunan naman ito ni Ang. Pero nilinaw niya na napupunta naman sa tinatawag na "agents" ang nasa P2 o P2.5 bilyon.
Napupunta rin umano ng 1% ng komisyon sa mga gastusin sa kompanya nila ng e-sabong.
“More or less nasa P900 [million], P800 [million] ang matitira,” paliwanag ni Ang.
Ayon kay Drilon, tila maliit ang P640 milyon na nakokolektang buwis kumpara sa laki ng perang pinag-uusapan sa e-sabong.
“Kung P3 billion ang kinikita ng Lucky 8, baka po payat ang P640 million na sinasabi ng PAGCOR na kanilang income dito sa e-sabong,” puna ng senador.
“Uulitin ko lang, P3 billion per month even assuming that you incur expenses on this, P640 million per month of revenue by PAGCOR is pittance, is very small compared to the gross income of Lucky 8,” patuloy niya.
Bukod sa Lucky 8, ang iba pang kompanya na may lisensiya para mag-operate ng e-sabong ay ang Belvedere Vista Corp., Visayas Cockers Club Inc., Jade Entertainment And Gaming Technologies, Inc., Newin Cockers Alliance Gaming Corp., Philippine Cockfighting International Inc., at Golden Buzzer, Inc.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni PAGCOR chairperson Andrea Domingo na nasa P400 milyon ang monthly revenue sa e-sabong mula May hanggang December 2021. Tumaas naman ito sa P640 milyon simula ng Enero.
Ang kita sa e-sabong ang isa umano sa dahilan kaya may pag-aalinlangan sila sa panawagan na suspendihin ang naturang online gambling.
Nitong Lunes, 23 senador ang bumoto pabor sa resolusyon na nanawagan na itigil ang operasyon ng e-sabong.
Inihayag naman ni Senador Ronald dela Rosa, chairman ng komite, na 34 katao na ang nawawala kaugnay sa sabong.—FRJ, GMA News