Tukoy na umano ang pagkakakilanlan ng anim sa 14 na katao na idinadawit ng isang testigo sa pagkawala ng anim na sabungero na nagtungo sa Manila Arena sa Sta. Ana, Maynila noong Enero 13, 2022, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ito ang inihayag ni CIDG Director Police Brigadier General Eliseo Cruz, sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs nitong Biyernes, kaugnay sa mga nawawalang sabungero na umaabot na sa 34.
“There are 14 persons involved in this case that the witness implicated, and he positively identified six suspects, and eight are still unidentified,” pahayag ni Cruz sa komite na pinamumunuan ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa.
Ang mga nawawalang sabungero na nagtungo sa Manila Arena ay ang magkakapitbahay na taga-Tanay, Rizal na sina John Claude Inonog, magkapatid na Marlon at James Baccay, Mark Joseph Velasco, Ruel Gomez at si Rondel Cristorum.
Ayon kay Cruz, nakita umano ng hawak nilang testigo ang mga security personnel ng Manila Arena na isinakay ang mga nawawalang sabungero sa isang van noong Enero 13.
“A vital witness gave his statement that he saw how the victims were held and loaded by the security personnel of Manila Arena in a gray van parked at the basement of the said arena,” anang opisyal.
Ayon kay Cruz, nasa ligtas na lugar ang kanilang testigo na binabantayan ng mga tauhan ng CIDG.
Sasampahan umano ng CIDG ng kidnapping at serious illegal detention complaints ang natukoy na anim na suspek.
“We are now filing appropriate cases against the identified six persons in Manila Area and we'll be filing kidnapping with serious illegal detention admissible under Article 267 of the Revised Penal Code,” ani Cruz.
Samantala, sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa Sta. Cruz, Laguna noong Enero 13, 2022 din, sinabi ni Cruz na may isasagawa silang manhunt operation sa isang "person of interest" na nag-withdraw ng pera sa ATM account ng isang nawawalang sabungero.
“Despite being missing, bank withdrawals from the ATM account of one of the victims, Melbert Santos, was recorded at BDO Lipa City Branch [Batangas] and is now being investigated by the CIDG,” sabi ni Cruz.
“The person captured in the CCTV footage who withdrew money using the said ATM account is considered as one of our persons of interest and subject for manhunt operations by the CIDG,” dagdag niya.
Ayon kay Cruz, hawak ng CIDG ang anim na kaso tungkol sa nawawalang mga sabungero: isang kaso sa Manila, apat sa Laguna, at isa sa Batangas.
Sa anim na sabungero na huling nakita sa Royal Octadome sa Lipa City noong January 6, 2022, sinabi ni Cruz na mayroong dalawang persons of interest ang CIDG.
Dalawang persons of interest din ang tinututukan nila sa pagkawala ng limang nawawalang sabungero na huling nakita sa sabungan sa Sta. Cruz noong December 9, 2021.
Mayroon ding anim na sabungero na nawawala na huling nakita rin sa naturang sabungan noong May 11, 2021. Ayon kay Cruz, isang person of interest ang tinututukan dito ng mga imbestigador.
Samantala, apat katao pa ang nawawala na nagtungo rin sa Sta. Cruz arena noong Abril 28, 2021. Mayroon umanong mga tao na sasampahan ng reklamong obstruction of justice, at tatlo naman ang kanilang persons of interest. — FRJ, GMA News