Ihaharap umano ng pulisya sa pagdinig ng Senado sa Huwebes ang isang testigo na nakakita umano nang isakay ang mga nawawalang sabungero sa Manila Arena. Kasabay nito, sisiyasatin din ang pagkawala ng isang van rental driver kung may kaugnayan din sa sabong.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing mayroong source ang GMA News mula sa binuong Special Investigation Task Group ng Philippine National Police, na nagsabing handler ng manok ang testigo na ihaharap sa pandinig ng Senado.
Ayon sa ulat, regular daw na nagsasabong sa Manila Arena sa Sta. Ana, Maynila ang testigo, at kilala raw nito ang mga nawawalang sabungero sa lugar.
Nasilip daw ng testigo nang isakay sa sasakyan ang mga sabungero na hindi pa rin nakikita mula pa noong nakaraang Enero.
Sa nakaraang pagdinig, iginiit ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na dapat humarap sa kanila ang mga security guard sa mga sabungan kung saan huling nakita ang mga nawawalang biktima.
Samantala, dumulog din sa PNP-CIDG si Nilda Calvo upang mahanap ang nawawala niyang mister na si Carlos Alfonso Calvo, 47-anyos, van rental driver.
Ayon kay Nilda, Nobyembre 8, 2021 nang umalis ang kaniyang mister at patungo raw noon sa Batangas at Laguna. Pero mula noon, hindi na ito nakauwi.
Isang linggo matapos na hindi na makontak, nakita ang sasakyan ni Carlos sa Sto Tomas, Batangas.
Aalamin ng mga awtoridad kung may kinalaman din sa sabong ang pagkawala ng biktima dahil may-ari umano ng mga panabong na manok ang amo nito.
Sa hiwalay na ulat, sinabi naman ni Senador Ping Lacson na may nakalap siyang impormasyon na mayroon mga pulis na posibleng sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.
Sa ngayon, mahigit 30 katao na ang nawawala na may kinalaman sa sabong.
Game fixing ang nakikitang motibo ng mga awtoridad sa pagkawala ng mga biktima.
Pero sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng isang impormante na dati umanong na sangkot game fixing, na ang ibang kasama sa kalakaran ng tinatawag na "panyunyupe" ay hindi alam na ibebenta nila ang laban. -- FRJ, GMA News