Hindi inakala ng isang 18-anyos na criminology student sa Northern Samar na papatok sa netizens ang ginawa niyang remix song na "ParoParo G-Fly High Butterfly!'

Sa panayam ng GMA Regional TV Live kay Sandy Oliverio, na kilala rin bilang si DJ Sandy Remix, sinabi nito na limang oras daw niyang ginawa ang kaniyang obra na isa na ngayong worldwide dance craze.

Kuwento ni Sandy, taong 2017 nang mag-DJ siya at mag-aral ng remix. Naka-impluwensiya raw sa hilig sa musika ang kaniyang kapatid.

Ayon pa kay Sandy, naisipan niyang gawin ang "ParoParo G" remix nang makita niya ang online video ni "Master Seth," na kunwaring nagbabasbas sa mga batang nais maging "miyembro" ng inimbeto nitong grupo na "Paro Paro G."

"Nagsimula po yun nung makita ko si Boss Seth, yung gumawa ng grupong Paro Paro G," ani Sandy. "Natatawa ako kapag may binabasbasan siya [na maging miyembro ng grupo] ...tapos naisipan ko paano kaya 'pag i-remix ko ito?"

Ang tinutukoy ni Andy na Boss Seth ay si Jose Verano ng Las PiƱas City.

Ayon kay Sandy, hindi niya inakala na magba-viral ang ginawa niyang remix at tatangkilikin din maging ng mga nasa ibang bansa.

Sabi pa ng binata, inabot siya ng limang oras bago natapos o magawa ang tugtog dahil nilagyan pa niya ito ng lyrics at siya rin mismo ang kumanta.

Nang i-upload daw niya ang kanta sa Tiktok noong Enero 21, iilan lang umano ang nakapansin. Pero laking gulat niya nang abutin ito ng isang milyong views sa sumunod na araw.

Ngayon, patok na rin ang kanta sa Youtube at may kaniya-kaniyang nag-a-upload ng dance craze nito.

Mensahe ni Sandy sa ibang katulad niya, "Sa lahat ng may talent, tuloy-tuloy lang po [na] buhayin yung talent niyo. Tapos darating yung araw yung talent niyo ang bubuhay sa inyo ." --FRJ, GMA News