Sumuko na lahat ng sangkot umano sa pagnanakaw at pagpatay sa mag-asawang biktima sa labas ng kanilang bahay sa San Fernando, Cebu noong nakaraang linggo. Apat sa limang suspek, aktibong pulis.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang mga suspek na sina Police Staff Sergeants Rene Catamora, Junrey Ypil, Junrey Batobalonos, Master Sgt. Alvin Enad, at ang dating pulis na si Esmeraldo Quillosa.
Nakadestino sa magkakaibang himpilan ng pulisya ang mga pulis na itinuturong nagnakaw at pumatay sa mag-asawang Peter at Ma. Louela Baringui-an sa San Fernando, Cebu noong Pebero 13, 2022.
READ: Mag-asawang naghahanda ng hapunan, patay sa pamamaril sa Cebu
Sa magkakahiwalay na himpilan ng pulisya at sa magkakaibang araw sumuko ang mga suspek, na pawang nakadetine ngayon sa Police Regional Office 7.
Ayon kay Brigadier Gen. Roque Vega, PRO 7 director, unang sumuko noong Feb. 18 si Catamora, nakatalaga sa Consolacion police station.
Sa pagsuko ni Catamora sa PRO 7 headquarters sa Cebu City, dito na niya itinuro ang iba pa niyang kasamahan sa krimen.
Dinala rin ni Catamora ang pick-up truck na ginamit nila sa krimen na may tama pa ng bala dahil gumanti umano ng putok ang kaanak ng mga biktima nang papatakas na sila.
Si Ypil na nakatalaga sa Danao City ay sumuko naman sa Cebu Police Provincial Office (CPPO).
Lumagda ang dalawa sa isang salaysay sa pag-amin sa ginawa nilang krimen.
Kasunod na nito ang pagsuko ni Batobalonos sa Lapu-Lapu City Police, kung saan siya nakadestino.
Si Quillosa ay sumuko sa San Fernando Police Station, habang si Enad, nakatalaga sa Ronda Police station.
Sinampahan ng kasong robbery with double homicide ang mga suspek.
Ayon kay Vega, panghoholdap umano ang unang pakay ng mga suspek sa mag- asawa. Pero nanlaban daw ang mister kaya napatay nila ito at ang misis na konsehal ng barangay sa lugar.
Patuloy pa rin umano ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para alamin kung mayroon pang ibang sangkot sa krimen. --FRJ, GMA News