Nagbabala si Senador Ping Lacson na magiging "sampal" sa Philippine National Police kung hindi nito malulutas ang misteryo sa pagkawala ng mga sabungero. Pinuna naman ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang hindi pagsipot ng mga tauhan ng mga sangkot na sabungan sa ginawang pagdinig ng Senado nitong Huwebes.
"Thirty-one reported missing persons as of latest count, without any trace apparently, is a big challenge to the PNP and the entire law enforcement community," sabi ni Lacson, dating hepe ng PNP, sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, sa isyu ng mga nawawalang sabungero.
"Failing to resolve these cases will be a big slap or an embarrassment to the PNP as well," dagdag niya.
Sinabi naman ni dela Rosa, chairman ng komite at dati ring naging hepe ng PNP, na dapat doblehin ng kapulisan ang trabaho sa pagresolba sa kaso.
"I'm urging you to please double time your effort baka may ma-recover pa tayong buhay dito," anang senador.
Una nang sinabi ng PNP na mayroon na silang nakuhang malaking impormasyon tungkol sa kaso pero hindi binanggit kung ano ito.
Pinuna rin ni Dela Rosa ang hindi pagdalo ng mga tauhan sa mga sabungan na pinuntahan ng mga sabungero bago sila nawala.
“Alam kong hindi natin matapos ito. Mag-schedule pa tayo ng another hearing dahil yung mga gusto kong resource persons na didikdikin ng tanong ay wala dito. Sana next hearing mag-a-appear sila para lalabas ang katotohanan,” saad niya.
Nang magtanong si Sen. Aquilino ‘“Koko” Pimentel III kung ano ang tinutukoy ni Dela Rosa, sinabi ng huli ang hindi pagsipot ng pamunuan, tauhan, at maging ng mga security guard sa mga sabungan.
“Yung mga management ng mga arena na naimbitahan natin, yung mga guwardiya, hindi po dumating,” ani Dela Rosa.
Tanging mga abogado lamang ng mga sabungan ang nagpakita sa pagdinig.
“Mas gusto ko na humarap dito yung mga nandoon talaga during that time of the incident, noong nangyari yung pagkawala ng mga tao na nagbe-bet, nagsasabong doon sa arena,” dagdag pa ni Dela Rosa.
Sinuportahan naman ito ni Pimentel.
“I will support any motion in the course of this hearing which will force these people to attend our investigative hearing,” pahayag ni Pimentel.
Nitong Miyerkules, sinabi ng PNP na 31 sabungero na ang nakalista sa kanila na nawawala.
Bagaman nagsimulang maiulat ang pagkawala ng mga grupo ng sabungero nitong lang Enero, lumitaw na mayroon na ring mga katulad na insidente ng pagkawala ng mga sabungero ang nangyari noong nakaraang 2021.
Sa isang episode kamakailan ng programang "Kapuso Mo, Jessica Soho," isang impormante ang nagsabi na alam niya kung ano ang nangyari sa ilan sa mga nawawalang sabungero nang dukutin sa Manila Arena. (READ: Impormante, may isiniwalat tungkol sa umano'y nangyari sa ilang sabungerong nawawala)
Naniniwala ang impormante na patay na ang mga ito.— FRJ, GMA News