Bakit tayo nababahala sa mga bagay na kulang sa atin. Wala rin ba tayong tiwala at pananampalataya? (Marcos 8:14-21)
“Nang mahalata ito ni Hesus ay winika niya sa kanila. Bakit pinag-uusapan ninyo na wala kayong tinapay? Hindi pa ba kayo nakauunawa at nakababatid? Matigas pa ba ang inyong mga puso?” (Marcos 8:17)
MAHIRAP pakibagayan o pakisamahan ang taong makasarili. Ito yung klase ng tao na walang nakikita at walang ibang pinahahalagahan kundi ang sarili at kung ano lang ang makabubuti sa kaniya.
Sinasabi ng iba na ang mga taong makasarili ay katulad ng isang kabayo na may takip sa magkabilang mata. Kaya hindi nila nakikita ang ibang tao sa kanilang paligid.
Mga taong nangangailangan ng tulong, nagugutom, naghihikahos at kailangan ng karamay at kalinga.
Pero hindi sila nakikita ng taong makasarili. Dahil ito ay walang pakialam sa kanilang kalagayan. Sapagkat ang tanging pinahahalagahan ng mga taong ito ay ang kanilang pansariling kapakanan. Nakatuon lamang sila sa mga bagay na makabubuti para sa kanila.
Marahil ay ganito rin ang ating matutunghayan sa Mabuting Balita (Marcos 8:14-21) matapos mabahala at mag-alala ang mga Alagad ni Hesus dahil iisang tinapay lamang ang kanilang ibinaon sa bangka. (Mk. 8:14)
Maaaring inakala ng mga Disipulo na baka magutom sila dahil sa kapirasong tinapay na dala-dala nila kaya ganoon na lamang ang kanilang pag-aalala kung ipamahagi pa nila ito sa iba.
Nabahala sila sa kanilang pansariling gutom. Kaya ipinaalala sa kanila ng Panginoon na, “Mag-ingat sa lebadura ng mga Pariseo at ni Herodes”.
Ngunit inakala din ng mga Alagad na kaya ito nasabi ni Hesus ay sapagkat wala silang dalang tinapay. (Mk. 8:15-16). Nakatuon lamang ang mga Disipulo sa kawalan nila ng makakain. Kaya nakalimutan na nila ang mga milagrong ginawa ni Hesus.
Dahil sa pagkabahala nila, maging ang kanilang pananampalataya ay tila nilamon ng kawalan ng tiwala. Kaya ipinaalala sa kanila ni Kristo ang dalawang himala na ginawa Niya... sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga tinapay. (Mk. 8:17-20).
Kulang na lamang marahil ay sabihin ni Hesus sa kanila na, ano ba ang dapat nilang ikabahala, gayong kasama nila ang pinagmumulan ng mga himala.
Marahil ay katulad din tayo ng mga Alagad paminsan-minsan. Nag-aalala sa ating sarili at nakakalimutan natin na tumulong sa iba.
Nakakalimutan natin na kasama natin si Hesus na handang magbigay ng ating mga pangangailangan. Kaya hindi tayo dapat mag-aalala na tumulong sa ating kapuwa.
Hindi tayo pababayaan ng Diyos sakaling tayo man ay nagkukulang. Tanggalin natin ang takip sa ating mga mata upang makita natin ang mga tanong nangangailangan sa atin, at kasabay nito ay masisilayan din natin ang pagkilos ng Diyos Ama na kung paano Niya tayo alalayan sa ating mga pangangailangan.
MANALANGIN TAYO: Panginoong Hesus, nawa’y matutunan namin ang magtiwala Sa’yo sa halip na mabahala kami sa mga bagay na wala sa amin. Matutunan din nawa namin ang magtiwala sa Iyong kapangyarihan na hindi Mo po kami pababayaan at walang imposible Sa’yo. AMEN.
--FRJ, GMA News