Matagal nang paniniwala na mayroong pulbos sa pakpak ng paruparo na maaari umanong magdulot ng pagkabulag. Totoo nga ba ito?
Sa segment na “Kuya Kim Ano Na?” sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, pinabulaanan ito ni Kuya Kim Atienza.
Katunayan, ipinahid pa niya sa kaniyang mata ang pakpak ng paruparo at wala namang nangyari.
Paliwanag ng butterfly collector o lepidopterist na si Dr. Aimee Lyn Barrion-Dupo, ang sinasabing pulbos sa pakpak ng paruparo ay mga kaliskis.
“’Yung mga pulbos sa pakpak ng paru-paro, halos pareho lang din ng epekto ng alikabok. Kapag pumasok sa ating mga mata maaaring mangati," paliwanag niya.
"Kapag kinamot [ang mata], maaaring magkasugat o impeksyon pero hindi naman ito nakakabulag,” patuloy niya.
Sinabi rin ni Kuya Kim na hindi lang dalawa kung hindi apat talaga ang pakpak ng paruparo--na tig-dalawa sa magkabilang bahagi.
Noong 2020, nakadiskubre ang biologist na si Jade Badon ng dalawang bagong species ng paruparo sa Mt. Talinis sa Negros Oriental.
Tinawag niya ang yellow, black, at white colored butterfly na Appias phoebe nuydai na isinunod sa pangalan ng lepidopterist at painter na si Justin “Tiny” Nuyda.
– FRJ, GMA News