Nang magkaroon ng COVID-19 pandemic at matigil sa taping, pinasok ng aktor na si Neil Ryan Sese ang seafood business. Pero hindi raw niya akalain ang hirap na kaniyang dadanasin.
Kuwento ni Niel sa programang "Mars Pa More," may kaibigan siyang matagal nang naghihikayat sa kaniya na pasukin ang naturang negosyo.
Nang mangyari ang pandemic at matigil sa trabaho, doon na raw naisipan ng aktor na tanggapin ang mungkahing negosyo.
Pero tila hindi niya naihanda ang sarili.
"Ang hirap ng negosyong seafood. Mahilig lang ako sa seafood pero wala akong alam sa business side," pag-amin niya.
"Nung nag-start na yung business, grabe ang hirap talaga, nalula ako. First three weeks ko, umiiyak ako gabi-gabi," sabi ni Niel.
Bukod sa hirap, nakadagdag din umano sa kaniyang emosyon ang biro ng mga kaibigan.
"May kasama pa, yung mga kaibigan mo pinagtatawan ka. Na parang, 'Artista ka tapos ngayon nagbebenta ka ng seafood, nagdedeliver ka pa," kuwento pa niya.
Bagaman nauunawaan daw niya na biro iyon ng mga kaibigan, hindi raw maalis na masagi ang kaniyang pagiging sensitive dahil na rin sa hirap na nararanasan niya.
"Alam ko naman nung una na joke din lang naman sa kanila 'yon pero nung sensitive ako. Halimbawa kung napagkuwentuhan namin nung regular inuman, tatawanan ko 'yan," paliwanag niya.
Kahit lalaki siya, inamin ni Niel na umiiyak siya sa kaniyang asawa at anak.
Pero kinalaunan, nagbago naman daw ang lahat at nalampasan niya ang hirap dahil na rin sa tulong ng mga kapuwa celebrity na umoorder sa kaniya.
Ayon kay Niel, malaking tulong ang ginawa ng mga celebrity na ipino-post sa kanilang social media accounts ang mga inorder sa kaniya kaya dumami ang kaniyang kliyente.
Lalo pa raw dumami ang umorder sa kaniya nang maging guest siya sa "Bawal Judgmental" segment ng "Eat Bulaga," at maikuwento niya ang kaniyang seafood business.
Ang lesson ni Niel sa naturang karanasan, "Sa una lang mahirap ang lahat ng bagay. [Yung kasabihan na] kung may tiyaga may nilaga, totoo."
--FRJ, GMA News