Sinabi ng kampo ng direktor na si Darryl Yap nitong Biyernes na wala pa silang natatanggap na utos mula sa Muntinlupa court para tanggalin ang teaser at iba pang materyales ng kaniyang pelikulang "The Rapists of Pepsi Paloma." Kasama rito ang teaser na binanggit ang pangalan ni Vic Sotto na inakusahan ng rape, na pinalagan ng TV-host-actor kaya dumulog sa korte.
“Writ was issued, no stop order,” sabi ni Atty. Raymond Fortun, legal counsel ni Yap, sa isang mensahe sa GMA News Online.
Ayon pa kay Fortun, inatasan lamang ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205 si Yap na magsumite ng verified return sa writ sa loob ng limang araw mula sa pagkatanggap nito.
Sa kaniyang pagiging legal counsel ni Yap, humiling din ni Fortun ng isang gag order mula sa korte para pigilan si Sotto at sa kampo nito na, "from disclosing the contents of the verified return to the public and enjoining them to dutifully keep in strict confidence the proceedings and matters learned before this Honorable Court."
Kasunod ito ng paghahain ng aktor ng petisyon para sa writ of habeas data laban kay Yap noong Lunes, matapos siyang mabanggit sa teaser ng pelikula ni Yap.
Una rito, hiniling ni Sotto sa korte ng Muntinlupa na utusan si Yap na tanggalin ang lahat ng promotional materials, teaser video, at iba pang content kaugnay ng pelikula. Hiniling din niya sa korte na pagbawalan si Yap sa paglalabas ng anumang materyal na may kaugnayan sa pelikula sa lahat ng mga platform.
Sinabi ni Atty. Enrique Dela Cruz, abogado ni Sotto na bagama’t hindi pa napagbibigyan ang petisyon, pansamantalang naglabas ng writ of habeas data ang korte.
Nangangahulugan umano ito ng pag-atas kay Yap na alisin ang mga tinutukoy na mga content na may kaugnayan sa pelikula, kasama ang kontrobersiyal na teaser.
“Ibig sabihin ay tigilan muna natin ang pagpo-post, pagse-share ng mga bagay na ito hanggang sa ito ay mapag-usapan,” sabi ni Dela Cruz.
Nang hingan ng komento nitong Biyernes, nanindigan si Dela Cruz sa mga nauna niyang sinabi.
“Ibig sabihin ay kinatigan ng korte na tama ang porma at sustansya ng petition. Kaya inatasan si Mr. Yap na kailangan niya na magpaliwanag at kung ano ginawa niya sa nasabing mga post after niya ma-receive ang writ,” saad ni Dela Cruz.
Samantala, itinakda ng korte ang summary hearing para sa petisyon sa Enero 15 kung saan ipinatawag ang direktor.
Naghain din si Sotto ng 19 na count ng cyberlibel laban kay Yap.
Ayon sa kampo ni Sotto, nakatanggap ng pisikal na pagbabanta ang aktor at asawa niyang si Pauleen Luna, at nagbu-bully ang kanilang anak dahil sa naturang teaser ng pelikula.
Dating sexy actress si Pepsi, o Delia Smith sa tunay na buhay, na pumanaw noong 1985 sa edad na 18, tatlong taon matapos niyang sabihin sa korte na hindi totoo ang kaniyang alegasyon na ginahasa siya.—Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News