Sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at mga pasok sa eskuwelahan sa lahat ng antas sa Maynila at Pasay sa Lunes, January 13, 2025.

Inanunsiyo ito ng Malacañang nitong Biyernes kaugnay sa gaganaping pagtitipon ng Iglesia Ni Cristo na National Rally for Peace sa Lunes.

Nakasaad sa Memorandum Circular No.76, na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na sakop ng suspensiyon ng klase ang parehong pampubliko at pribadong mga paaralan.

"Those agencies whose functions involve the delivery of basic and health services, preparedness/response to disasters and calamities, and/or the performance of other vital services shall continue their operations and render the necessary services," nakasaad rin sa MC No. 76.

Idinagdag nito na, "suspension of work in private companies and offices is left to the discretion of their respective heads."

Nauna nang inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sarado ang mga kalsada malapit sa Quirino Grandstand dahil sa naturang pagtitipon ng INC.

Nitong nakaraang Disyembre, inihayag ng naturang religious group na magdaraos sila ng rally bilang suporta sa pahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na tutol siya sa hakbangin na i-impeach si Vice President Sara Duterte.

Tatlong impeachment complaints ang inihain sa Kamara de Representantes laban kay Duterte.

Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na kinomisyon ng  and consultancy group na Stratbase, lumalabas na apat sa bawat 10 Pinoy o 41% ang sumusuporta na i-impeach o alisin sa puwesto si Duterte bilang bise presidente.

Samantala, 35% naman ang tutol at 19% ang hindi makapagdesisyon.

Ginawa ang survey noong December 12-18, 2024 at may 2,160 respondents o tinanong.-- mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News