Ilang buto ng tao ang nakita ng mga manggagapas sa isang tubuhan sa Bacolod City. Ikinaalarma ito ng ilang kaanak ng mga nawawalang residente sa lugar.

Sa ulat ni Adrian Prietos ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing namataan ang mga buto sa Barangay Alangilan, at palaisipan sa mga residente at manggagapas kung saan nagmula ang mga ito.

“Gabi siguro, may nagtapon. Wala kasing mga bahay, malayo, taniman ng tubo ang magkabilang panig,” sabi ni Bernie Opiar, manggagapas ng tubo.

Namataan din ang ilan pang buto mahigit 50 metro mula sa lugar.

Dahil dito, naalarma ang mga kaanak ng ilang residente na nawawala mula pa nakaraang taon.

"Sana hindi nila ginawa, or hindi niyo pinatay. Binilanggo niyo na lang at sinurrender kasi may mga anak, may apo, may pamilya. Sana hindi niyo dinumihan ang kamay n'yo,” saad ng kamag-anak ng isa sa mga nawawala.

Sinabi ng pulisya na isasailalim sa DNA test ang mga buto upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News