Sa likod ng maganda niyang kulay, nagtataglay ng kamandag ang "Dukalpa" o Philippine pit viper. Ang parte ng katawan na kaniyang natuklaw, maaaring mabulok kaya siya kinakatakutan ng mga tao.
Nagtungo si Doc Nielsen Donato at ang team ng programang "Born To Be Wild" sa Sorsogon, kung saan mayroon mga dakulpa.
Dahil sa kulay nitong berde, kayang-kayang magtago sa mga halaman ng mga naturang ahas. Sa ganitong sitwasyon ay may pagkakataon na hindi agad nakikita ng tao ang mga dakulpa.
At kapag nagkagulatan, doon na nangyayari ang pag-atake ng ahas sa tao, o napapatay ng tao ang ahas.
Ayon kay Doc Nielsen, isa ang mga ahas sa mga pinaka-misunderstood o hindi nauunawaan na hayop. Dahil sa kanilang kamandag, kaagad sila kinatatakutan at kung minsan ay pinapatay.
Ngunit kung takot umano ang tao sa ahas, ganoon din naman ang pakiramdam ng mga ahas sa mga tao.
Hindi umano aatake ang mga ahas kung hindi sila makararamdam ng panganib o mabibigla, o kung hindi sila gagambalain sa kanilang kinalalagayan.
Sa isang barangay, nakita ni Doc Nielsen na maaaring mamuhay na magkasama sa iisang lugar ang isang dakulpa at isang pamilya.
Sa bakuran kasi ng ginang na si Jazzi ay mayroong isang dakulpa na malayang nagpapalipat-lipat lang ng puwesto sa labas ng kanilang bahay.
Aktibo umano sa gabi ang mga dukalpa para maghanap ng makakain. Sa umaga, babalik na sila sa kanilang tirahan kapag nakakain na.
Inaabot ng isang linggo o mahigit pa bago sila muling maghahanap ng makakain.
Ayon kay Jazzi, napansin nila ang dakulpa na hindi naman nanunuklaw o tila wala namang pakialam sa kanila kapag nadadaanan nila.
Kahit nga bukas ang kanilang bintana, hindi raw nangangahas na pumasok sa loob ng bahay ang ahas.
Naniniwala pa nga si Jazzi na nakatutulong ang dakulpa para hulihin ang daga na naninira sa ilan niyang halaman.
Nawawala kapag umuulan ang ahas at muling magpapakita kapag uminit na ang panahon.
Kung minsan, pumupuwesto rin ang ahas sa mababang parte ng puno na malapit sa kalsada. Tila wala rin siyang pakialam sa mga dumadaan na tao, at hindi rin naman siya ginagambala ng mga tao.
"Hinahayaan lang namin, hindi naman siya nanunuklaw," ayon sa residenteng si Anthony.
"Kapag nakita sila hindi naman dapat patayin. Hindi naman ano 'yon nanunuklaw basta hindi lang ginagalaw sila," patuloy.
Paano nga ba nakatutulong ang mga ahas upang mapanataling balanse ang ecosystem? Ano nga ba ang mga dapat tandaan kapag nakakita ng makamandag na ahas? Tunghayan ang istoryang ito ng "Born To Be Wild" at dagdagan ang kaalaman tungkol sa mga dakulpa. Panoorin.
--FRJ, GMA News