Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na may natukoy na silang mga person of interest kaugnay sa pagkawala ng nasa 26 na sabungero mula sa magkakaibang lugar.
Sa panayam ng Dobol B TV, inihayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, na nakakuha na rin ng ilang ebidensiya ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) tulad ng mga CCTV footage.
“Meron na po tayong mga person of interest na tinututukan po ang mga imbestigador natin sa pangunguna ng CIDG,” ayon kay Fajardo.
Nakausap na rin umano ng mga imbestigador ang mga pamunuan at mga guwardiya ng mga sabungan na pinuntahan ng mga sabungero bago sila nawala.
Kabilang sa mga nawawalang sabungero ay nagtungo sa sabungan sa Sta. Cruz, Laguna at gayundin sa Sta. Ana, Maynila noong nakaraang Enero.
Hindi pa inihahayag ng mga awtoridad kung magkakaugnay ang pagkawala ng mga sabungero.
Isa sa tinitingnan na anggulo ng mga imbestigador ay ang laglagan sa laban o game fixing.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, napag-alaman na isa sa mga nawawala ay nakatawag pa sa isang kaanak at sinabing isinasakay sila sa van.
Kabilang din sa nawawala ang isang babaeng buntis at ang kaniyang kinakasama na nagtungo rin sa isang sabungan sa Laguna.
Nanawagan na ang mga kaanak ng mga sabungero kay Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan silang mahanap ang kanilang mga mahal sa buhay.
--FRJ, GMA News