Isang kakaibang bato na metallic at hindi natutunaw sa init ng apoy ang napulot ng isang lalaki sa Davao City. Ang bato, hinihinalang meteorite o bulalakaw at posible raw na milyong piso ang halaga.
Sa video ng GMA Regional TV One Mindanao, na mapapanood din sa GMA Newsfeed, makikita ang kakaibang bato na napulot ni Alan Juntilla sa Davao City.
Ayon kay Juntilla, nakita niya ang bato nang minsan siyang maligo sa isang sapa. Nakita niya ang bato na nagliliyab pa, kaya inakala niyang Santelmo fire ito, o bolang apoy sa mga alamat at folklore ng mga Pinoy.
Nilakasan daw ni Juntilla ang kaniyang loob at kinuha ang bato dahil sa paniwalang maaari itong makapanggamot. Hanggang sa isang tao ang nagsabi sa kaniya na meteorite o bulalakaw ito na may mataas na halaga.
Sinabi ng Mines and Geosciences Bureau na may tatlong paraan para malaman kung tunay ngang meteorite ang natagpuang bato.
Una ay kung magiging magnet ang bato.
"We should expect sa meteorite na highly magnetic nga ang bato na ito kasi it contains a lot of iron. It's a metallic mineral, na 'yan ang normal na content ng mga bato na galing sa outer space," sabi ni Beverly Brebante ng MGB-DENR XI.
Nakita naman na tila nga magnet ang bato ni Juntilla.
Sunod sa pagsusuri ang burn test, kung saan hindi ito dapat malulusaw sa matinding init. Pangatlo ang scratch test, kung saan hindi dapat mag-iiwan ng anumang marka ang bato sa isang streak plate.
"Indeed it is highly magnetic sa nakita natin sa video. Sa nakita natin kanina, although we don't have any idea gaano kainit 'yung flame na ginamit, pero we have really seen na mas nauna ngang pumula o uminit 'yung metal na katabi ng allegedly meteorite stone," sabi ni Brebante sa kinapanayam via online.
Ipadadala ang bato sa National Institute of Geological Sciences ng University of the Philippines Diliman para makumpirma kung meteorite nga ito.
Sinabi ng mga eksperto na $1,000 per gram o katumbas ng mahigit P51,000 ang halaga ng naturang uri ng bato kada gramo.
Ang bato ni Juntilla, umabot sa isang kilo na maaaring magkahalaga ng $1 milyon o katumbas ng P51 milyon.
Kung sakaling maibebenta, plano ni Juntilla na bumili ng limang ektaryang lupa na ipagagamit niya sa mga mahihirap nang libre.
"Baka sakali sa aking pangarap, at mayroon akong maiambag dito sa Pilipinas," sabi ni Juntilla.
--FRJ, GMA News