Naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang Nigerian at tatlong Pinoy na sangkot sa phishing scam at mga mobile wallet user gaya ng Gcash ang binibiktima.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing kabilang ang online seller na si Jason Cruz, sa mga nabiktima ng scam sa Gcash at nawalan ng P6,500 sa pamamagitan ng KKB o "kaniya-kaniyang bayad" feature.
Ayon kay Cruz, sinabi ng scammer na ipadadala ang pera KKB. Nang kaniyang alamin kung naipadala na ang bayad, nakatanggap naman siya ng text na umano'y galing sa Gcash na nagsasabing kailangan niya munang magpadala ng pera sa KKB para matanggap bayad.
Nang gawin niya ang bilin, nawala na umano ang KKB account ng scammer.
"'Yong lesson na lang po siguro is na anything na magko-collect sa'yo ng pera para ma-receive 'yong payment, red flag na po 'yon," ani Cruz.
Nagpaalala ang NBI na maraming taktika ngayon ang mga scammer online kaya dapat maging alerto ang publiko.
May mga nag-aalok pa umano ng pera para magamit ang Gcash account sa ilegal na gawain. Babala ng NBI, maaaring makasama sa kaso ang magpapagamit ng kanilang account.
"Sabi [may magpapakilala], tiga-GCash kami, mag-open kayo ng account and in return, bibigyan namin kayo ng P500... Ikaw ang sasalo noong fraudulent transaction kasi ikaw ang nakapangalan doon sa GCash," babala ni NBI Cybercrime Division head Vic Lorenzo.
Paalala pa ni Lorenzo, huwag ibibigay sa iba ang pin at one-time password ng account.
Nakikipagtulungan na ang GCash sa NBI sa naturang mga katulad na insidente.
Ang Gcash umano ang nakatunog sa modus ng mga suspek kaya nagsumbong sila sa NBI at naaresto ang mga suspek.
—FRJ, GMA News