Lumobo ang kamay, nagkasugat-sugat ang braso at nangitim ang dalawang daliri ng isang batang lalaki matapos siyang matuklaw ng ahas habang nag-aani ng kape sa Lebak, Sultan Kudarat. Anong uri nga ba ng ahas ang kumagat sa kaniya at ano ang magiging rekomendasyon ng mga duktor sa kalagayan ng bata?

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," mapapanood ang panghihina ng siyam na taong gulang na si Norvin Calaba noong nakaraang Huwebes sa Lebak District Hospital sa naturang lugar, 10 araw magmula nang kagatin ng ahas.

Pero kinailangang dalhin si Norvin sa mas malaking ospital na halos limang oras pa ang layo dahil sa lala ng kaniyang sugat, at dagdag pa sa kaniyang pasakit ang tagtag ng biyahe.

Nangyari ang insidente 4 p.m. ng Enero 10, nang mag-ani ng kape si Norvin kasama ang kaniyang kapatid nang biglang sakmalin ng Barnawi o Philippine Pit Viper ang kaliwa niyang kamay.

Matapos bumagsak ni Norvin mula sa puno, dinala na siya sa bahay, kung saan agad sinipsip ng kaniyang lolo Manuel ang kamandag sa braso ng kaniyang apo. Gayunman, sunod nang namaga ang kamay ni Norvin.

Dito na humingi ng tulong ang pamilya ng bata at sumangguni sa isang manggagamot sa kagat ng ahas. Nilagyan ng langis ang sugat ni Norvin, pero inirekomenda ng manggagamot na pumunta pa rin sa ibang manggagamot.

Paniwala naman ng mga nakatatanda sa kanilang lugar, hindi maaaring saktan ang ahas matapos itong makatuklaw o makakagat, at kailangan munang maghintay ng hanggang dalawang araw bago ito balikan.

Nang lumala ang kondisyon ng bata, binalikan na ni Lolo Manuel ang ahas, tinirador saka tinaga gamit ang lagaraw.

Ayon sa general medicine physician na si Dr. Gerald Belandres, hindi kailangang sipsipin ang sugat na mula sa tuklaw ng ahas dahil maaaring magkaroon ng impeksiyon, at mapunta rin ang lason sa sumisipsip nito.

Dagdag ni Belandres, dapat na pumunta sa isang medical practitioner para mabigyan ang pasyente ng mga anti-venom na gamot.

Nang makapunta sa Sultan Kudarat Provincial Hospital, inirekomenda ng mga doktor na ipaputol na ang kaliwang kamay ni Norvin dahil sa lala ng kondisyon nito.

Ayon kay Belandres, nagkaroon na ng cellulitis o impeksiyon ang kamay ni Norvin na kailangang idaan sa antibiotics ang point of entry ng lason, dahil maaaring itong kumalat sa dugo at pumunta sa utak at iba pang organ.

Naobserbahan din ni Belandres ang mga dead skin sa kamay ni Norvin at hindi na maganda ang perfusion at circulation dito. Ang pangingitim ay nangangahulugang mamamatay na ang parte ng organ kaya pinuputol na para maligtas ang isang pasyente.

Sa mga nais tumulong kay Norvin, maaaring magdeposito sa Landbank of the Philippines Lebak Branch

Account name: Tenen B. Calaba
Account number: 2116-1325-27

 

--FRJ, GMA News