Sinabi ni Kris Aquino na "fake news" ang mga lumalabas na impormasyon na nasa ICU siya ng ospital at kritikal ang kalagayan.

Sa kaniyang Instagram post, ibinahagi ni Kris ang isang larawan na kasama niya ang bunsong anak na si Bimby habang nagdadasal, kasabay ang iba pang kaanak via online. Ito raw ay para sa kaluluwa ng kaniyang pinsang si Maria, na pumanaw nitong Biyernes, Enero 21.

Ayon kay Kris, hindi sila nakadalo ni Bimby nang pisikal dahil kailangan pa nilang sumailalim sa 14 days quarantine, at hindi pa inaasahang lalabas ang resulta ng kanilang RT-PCR hanggang Enero 26.

"Cleared" naman na ang kaniyang panganay na anak na si Josh noong Enero 21 sa kaniyang paglipat sa isang hiwalay na condo unit.

Sa naturang post, itinanggi ni Kris ang maling impormasyong kumakalat tungkol sa kanyang kalusugan.

“It’s been disturbing that, since Friday, so many have been spreading fake news about me being either in St Luke’s, BGC, or the States but always with the same theme, that I’m in the ICU and in critical condition. NONE OF THAT IS TRUE,” caption ng celebrity host.

Pinuna rin ni Kris na tila "very excited" ang "trolls" na nagpapakalat ng fake news na makita siyang pumanaw kasunod ng kapatid niyang si dating Pangulong Benigno Aquino III, na namatay noong Hunyo 2021.

“Ayaw akong tigilan ng #fakenews and parang sobrang excited ‘yung mga trolls na within 1 year both Noy & me would pass away,” ani Kris.

“Sorry to disappoint pero buhay at ilalaban pa na mapahaba ang oras ko because kuya josh & bimb still need me,” aniya.

 

 

Gayunpaman, sinabi ni Kris na pangangalagaan ng kaniyang pinsang si Rina Teopaco ang kaniyang mga anak kung sakaling may mangyaring hindi maganda sa kaniya.

Nagpasalamat din si Kris sa kaniyang “real friends” at tiniyak ang publiko na hindi siya nagpapaalam.

“To all my REAL friends who have gone out of their way to reach out, send me food, fruits, flowers, balloons and just so much na nahihiya na ko- because they want to make make me feel their love & affection- you have my lifelong loyalty & gratitude.”

“I have a lot more to say, perfect timing because birthday ng mom ko tomorrow January 25…my nurse has been signaling me, time for my meds, time for my shots (bad urticaria flare now) and lights out soon. Good night but definitely it’s not yet goodbye,” dagdag ni Kris.

Noong nakaraang taon, ibinunyag ni Kris na mayroon siyang autoimmune disease, at ibinahagi ang mga update sa kaniyang kalusugan.

--FRJ, GMA News