Para makauwi na at makapiling ang kaniyang pamilya, sinagot ni Willie Revillame ang gastusin sa ospital ng isang overseas Filipino worker (OFW) na naaksidente at napilitang umuwi sa Pilipinas.
Sa programang "Wowowin-Tutok To Win," mapalad na natawagan ni Kuya Wil si Iluminada De Leon ng Pateros, na sa sandaling iyon ay nasa ospital pala at binabantayan ang kaniyang anak na OFW na si Rodel.
Ayon kay Iluminda, nagkaroon ng problema sa kalusugan ang kaniyang anak dahil sa pagbubuhat ng mabigat habang nagtatrabaho sa Macau.
Pero nang maubos na ang kaniyang health insurance sa pagpapagamot doon nang hindi gumagaling, umuwi na si Rodel sa Pilipinas noong nakaraang Disyembre at diretso na siya sa ospital.
Napag-alaman na mayroong multiple myeloma o cancer sa dugo si Rodel, at fracture sa thoracic at lumbar spine.
Sa panahon ng pananatili niya sa ospital, umabot na sa P178,000 ang kanilang bayarin. Dahil bumubuti na ang kaniyang kalagayan, maaari na raw umuwi si Rodel para sa bahay na ipagpatuloy ang gamutan.
Gayunman, problemado ang pamilya ni Rodel dahil sa kawalan nila ng perang pambayad sa ospital.
"Mga anak mahal na mahal ko kayo, lalaban si daddy," mensahe ni Rodel sa mga anak.
"Pasensiya na ganito ang inabot ko," sabi naman ni Rodel sa kaniyang misis.
Sabi ni Rodel, "Pangarap ko pong gumaling at mapagpatuloy ang pag-aaral ng mga anak ko nang makatapos sila."
Sa pagdiriwang ni Kuya Wil ng kaniyang ika-61 sa Enero 27, nagboluntaryo na siyang sagutin ang P178,000 na gastusin ni Rodel sa ospital bilang "pa-birthday."
"Kasi magbi-birthday ako sa January 27. Gusto kitang regaluhan... Gustong gusto mo nang umuwi 'di ba? Regalo ko sa'yo, bukas uuwi ka na, babayaran ko 'yung ospital mo. Ipapaasikaso ko sa staff namin, at babayaran ko 'yung P178,000 mo para makauwi ka na sa pamilya mo," anang Wowowin host.
Laking pasasalamat ni Rodel sa Wowowin host na muli na niyang makikita ang kaniyang mga anak.-- FRJ, GMA News