Buking ang raket ng isang driver ng ambulansiya sa Greece na hindi lang pasyente ang isinasakay kung hindi maging ilegal na droga. Alamin kung papaano naghinala at nabisto ng mga awtoridad ang modus ng suspek.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing naghinala ang mga awtoridad sa biyahe ng ambulansiya dahil madalas itong magpunta sa Igoumenitsa, na malapit sa Greek-Albanian border.
Pero kahit nagpapabalik-balik ang ambulansiya sa lugar, napansin nilang hindi naman ito nagpupunta sa pagamutan.
Lumitaw na lehitimong ambulance driver ang suspek at nagtatrabaho sa isang medical clinic sa Athens.
Dahil talamak din ang paggamit ng ambulansiya sa naturang bahagi ng border para maipuslit ng mga illegal migrant, nagpasya ang mga awtoridad na parahin ang ambulansiya na minamaneho ng 41-anyos na suspek.
Nang buksan ang likod ng ambulansiya, hindi pasyente ang sakay niya kung hindi 13 malalaking bag.
Noong una, sinabi umano ng suspek sa mga awtoridad na hindi dapat hawakan ang karga niyang mga bag dahil naglalaman ito ng mga "hazardous biological material."
Pero hindi naniwala ang mga pulis kaya binuksan ang mga bag at nakita ang 129 pakete ng raw cannabis at may bigat na 319 kilo.
May nakuha rin sa driver ng ambulansiya ng cocaine.
Lumitaw sa imbestigasyon na rumaraket ang suspek sa pagbiyahe ng ilegal na droga kapag hindi siya naka-duty bilang ambulance driver ng clinic.
Iginiit naman ng clinic na hindi nila alam ang gawain ng kanilang tauhan.
Sa nabangit na border umano tinatagpo ng suspek ang kaniyang mga katransaksiyon sa ilegal na droga.
Mahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso. --FRJ, GMA News