Huwag tayong manibugho kung may taong mas mahusay kaysa sa atin. Tularan natin si Juan Bautista (Marcos 3:22-30)
MAYROON akong kakilalang tao na sobrang ambisyoso. Ang lahat ng paraan ay gagawin niya para lamang huwag siyang masapawan ng ibang tao. Handa niyang ibagsak ang mga kasamahan niya sa opisina na tingin niya ay magiging banta sa kaniyang trabaho.
Mainit ang dugo niya sa mga katrabaho na nakikita niyang mas magaling kaysa sa kaniya. At kahit na kaibigan niya ay handa niyang isakripisyo basta huwag lang siyang maungusan. Isa siyang halimbawa ng taong sakim at makasarili.
Dumadaloy sa kaniyang ugat ang inggit, at dumadaloy papunta sa kaniyang puso at isip ang pagiging mapanibugho.
Kung may taong makasarili, mas marami ang mga taong masaya na makitang nagsisikap sa sarili ang iba upang umangat nang walang ibang tinatapakan. Kahit pa nga mas maging mahusay pa ito sa kanila.
Sa halip na sila'y mainggit, ikinatutuwa nila ang pag-asenso ng isang tao. Dahil sa buhay nating ito, mayroon talagang mga taong mas magaling kaysa sa atin.
Ang iba ay bunga ng talino, ang iba ay bunga ng abilidad, at mayroon ding sadyang itinadhana.
Ganito ang ating matututunan sa Mabuting Balita (Juan 3:22-30) tungkol sa napaka-gandang karakter na ipinamalas ni Juan Bautista.
Matapos siyang magpakita ng kababang loob makaraang mabalitaan niya ang ginagawang pagbibinyag ni Hesus sa lupain ng Judea.
Noong mga panahong iyon, si Juan ay nagbibinyag din sa Ainon, sa may Salim. Ibinalita sa kaniya ng kaniyang mga Alagad na si Hesus ay nagbibinyag din sa kabilang ibayo ng ilog ng Jordan. Ang Mesiyas na kaniyang pinatotohanan noon. (Jn. 3:23-26)
Sa halip na magalit dahil posible siyang magkaroon ng kakompetensiya, winika ni Juan sa mga alagad niya na si Hesus ang ipinakilala niyang Mesiyas, ang dapat na maging dakila.
Buong kababaang-loob na sinabi ni Juan na hindi siya ang Kristo kundi isa lamang siyang sugo para mauna sa Kaniya--walang iba kundi si Hesus.
"Kayo na rin ang aking mga saksi nang sabihin kong, 'Hindi ako ang Kristo, kundi ang isinugo na nauna sa Kaniya.'" (Jn. 3:28)
Inihalintulad pa nga ni Juan ang kaniyang sarili sa katauhan ng isang abay, at si Hesus ang lalaking ikakasal. Winika ni Juan na dapat maging masaya ang abay para sa kaniyang ikakasal na kaibigan.
Bilang isinugo ng Diyos at unti-unti nang nakikilala si Hesus bilang Anak ng Diyos, nararapat lamang na unti-unti na ring mawala ang pansin ng mga tao kay Juan Bautista.
Ipinapaalaala sa atin ng Pagbasa na hindi sa lahat ng panahon ay ikaw ay kilala, nasa itaas at sikat. Darating ang panahon na may taong papalit sa iyo na mas magaling at mas may kaalaman.
Kailangan lamang na matutunan natin itong tanggapin sa ating mga sarili nang hindi nakararamdam ng panibugho. Sa halip ay maging masaya tayo para sa kanila katulad ng ipinakita ni Juan Bautista sa Ebanghelyo.
MANALANGIN TAYO: Panginoon, nawa'y matanggap din namin sa aming mga sarili na may mga taong mas nakahihigit sa amin. Huwag nawa kaming manibugho o mainggit, sa halip ay matutunan namin ang maging masaya para sa kanila. AMEN.
--FRJ, GMA News