Tatlong bilanggo ang tumukas sa maximum security compound ng New Bilibd Prison nitong Lunes. Isa sa kanila, napatay habang tinutugis ng mga awtoridad.
Sa ulat ni Mao dela Cruz sa Dobol B TV, sinabi ng Muntinlupa police na tatlong guwardiya at isang bilanggo ang nasugatan sa nangyaring pagpuga.
Ang tatlong preso na tumakas ay kinilalang sina Pacifico Adlawan, nakakulong sa kasong frustrated homicide at illegal drugs; Arwin Bio, sa kasong murder at attempted murder; at Drakilou Falcon, sa kasong robbery with homicide.
Sa paunang ulat mula sa Muntinlupa Police, sinabing nangyari ang pagtakas dakong 1:20 a..m.
Kaagad na nagsagawa ng operasyon ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para maaresto ang mga tumakas.
Ayon kay BuCor spokesperson Gabriel Chaclag, nabaril at napatay sa naturang operasyon si Adlawan, 49-anyos, mula sa Surigao del Sur.
Inabutan umano ng mga awtoridad si Adlawan malapit sa isang creek sa Muntinlupa-Cavite Expressway.
"Our government forces were forced to retaliate and after some time, they neutralized the gunman who was later identified as one of the PDL escapees who bolted the MaxSeCom prison earlier at dawn today," ayon sa opisyal.
Nakuha umano kay Adlawan ang isang 9mm na baril.
— FRJ, GMA News