"Nagdatingan din ang napakaraming tao mula sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan at sa palibot ng Tiro at Sidon nang mabalitaan nila ang lahat ng ginawa ni Hesus". (Marcos 3:7-8)
NAALALA ko noong estudyante pa lamang ako sa kolehiyo, hangang-hanga ang isang kaibigan ko sa namayapang komedyante na si Rene Requiestas.
Lahat ng pelikula ni Rene ay pinapanood niya kahit pa pumila siya nang mahaba. Hindi talaga niya palalampasin ang pagkakataon na hindi mapanood ang pelikula ng kaniyang idolo.
Minsan, tinanong ko na ang aking kaibigan kung ano ba ang nakita niya kay Rene Requiestas at ganoon na lamang ang paghanga niya sa aktor? Ang sabi ko sa kaniya: "Ano ba ang nagugustuhan mo diyan, ang laki ng mata, bungi pa, tapos ang payat."
Maaaring may kaniya-kaniya tayong dahilan kung bakit tayo humahanga sa isang tao. At hindi mahalaga ang panlabas na anyo. Sapagkat ang mas mahalaga ay nagkakaroon tayo ng tinatawag na "satisfaction" o kasiyahan sa ating pagsubaybay at pagsunod sa kaniya bilang isang tagahanga.
Marahil ay mahirap talagang ipaliwanag ang ating mga personal na saloobin tungkol dito. Sa Mabuting Balita (Marcos 3:7-12), maaaring ganito rin ang nararamdaman ng napakaraming tao na mula pa sa iba't ibang lugar at sumusunod kay Hesus.
Dahil sa dami ng mga taong sumusunod kay HesuKristo, nagpahanda pa Siya ng bangka sa mga Alagad na puwede niyang magamit sakaling dumagsa pa ang napakaraming tao. (Mk. 3:9)
Napakarami na rin ang mga ginawang himala ni Hesus. Mula sa pagpapalayas ng mga masasamang espiritu, pagpaparami ng tinapay para makakain ang limang libong katao, at pagpapagaling ng mga maysakit.
Marahil ay isa ito sa mga dahilan kung bakit dinadagsa si Hesus ng sobrang dami ng tao. Maaaring ang dahilan ng iba kaya Siya hinahanap at sinusundan ay dahil nais nilang magpagamot. May iba na puwedeng personal nilang nasaksihan ang mga ginawa Niyang himala kaya sila sumusunod sa Kaniyang mga Ministeryo.
Ang iba naman ay maaaring sumusunod sa Kaniya para malaman kung totoo ang Kaniyang mga ginagawang himala, o kaya ay makahanap ng maipaparatang laban sa Kaniya. Katulad ng ginagawa ng mga Pariseo at mga tagapag-Turo ng Kautusan.
Mayroong iba't-ibang dahilan ang mga taong sumusunod kay Hesus, at maaaring hindi lahat ay maganda ang kanilang dahilan.
Peronal kong pinagnilayan at dinalisay ang katanungang ito. Ano nga ba ang aking pansariling dahilan kung bakit ako din ay sumusunod kay Hesus?
Sumusunod ako kay Hesus sapagkat mula nang tawagin Niya ako para maglingkod sa Kaniya, natagpuan ko ang tunay na kaligayahan sa aking buhay na hindi kailanman maipagkakaloob ng mga materyal na bagay.
Nagkaroon ng katiwasayan sa aking puso't isipan na hindi ko kailanman naranasan sa aking lumang pamumuhay. Hindi ko na hahangarin na balikan pa ang dati kong masalimuot na buhay. Masaya na ako sa pagsunod ko kay HesuKristo bilang aking Diyos at Tagapagligtas.
MANALANGIN TAYO: Panginoon Hesus, nais namin na sumunod sa Iyo sapakat naniniwala kami na tanging ang pagsunod sa Iyo ang magliligtas sa amin sa kasalanan at magpapabago sa aming magulong buhay. Dahil kami ay parang mga tupa na walang Pastol, akayin Mo nawa kami Hesus patungo sa Iyo. AMEN
--FRJ, GMA News