Inirekomenda ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na alisin ang Olympian na si EJ Obiena sa national training pool kasunod ng alegasyon ng umano'y pagwawaldas sa pondo ng manlalaro, bagay na kaniya nang itinanggi.
Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ng PATAFA na magsasampa sila ng criminal complaint laban kay Obiena, “insofar as the funds of PATAFA in the amount of 6000 Euros are concerned representing the coaching fees for the months of May 2018 to August 2018.”
Kasama rin sa rekomendasyon ng PATAFA ang paghahain ng reklamo laban sa coach ni Obiena na si Vitaliy Petrov sa World Athletics dahil sa paglabag umano sa Integrity Code of Conduct, pagsibak kay Petrov bilang PATAFA coach, at ideklara ang adviser ni Obiena na si James Lafferty na persona non-grata.
Ang rekomendasyon ng PATAFA ay ipadadala sa Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Committee (PSC).
Kabilang umano sa lumitaw sa imbestigasyon ng PATAFA committee ay:
Ang hindi tamang paggamit umano ni Obiena ng 61,026.80 Euros, o katumbas ng P3,661,608 na inilabas ng PATAFA at PSC bilang pambayad kay Petrov, pero hindi naibayad hanggang noong August 2021;
Ang hindi umano paggamit ng tama ni Jeanette Obiena, ina ni EJ, sa P624,116.76 na sinabing mula sa PSC "under pretext that it is a reimbursement of the coaching fee paid to Mr. Petrov for the months of January 2019 to March 2019."
Una rito, idineklara ng Philippine Olympic Committee si PATAFA chief Philip Juico na persona non grata, kasunod naman ng rekomendasyon ng ethics committee, bunga ng sigalot kay Obiena.
Kinatawan ni Obiena ang Pilipinas sa Tokyo noong nakaraang taon, na nagsimulang makabanggaan PATAFA dahil sa pondo sa kaniyang training.
"Do you want medals or do you want accountant-athletes? Make a choice. I always believed my job as an athlete is to compete at the highest level. I make mistakes when you ask me to play accountant. This is not a crime," saad ng atleta.
Iginiit niya na wala siyang perang kinukuha para sa kaniyang coach.
"What's now clear, and we all agree.---I never took a single centavo of money from my coach. Not even the fees for transfer or exchange rates were deducted to his salary. I paid those out of pocket," ani Obiena—FRJ, GMA News