Napansin ng netizens na wala na ang mga Instagram post ni Kris Aquino na kasama ang kaniyang fiancé na si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mel Sarmiento.
Nitong Linggo, Enero 2, nang mapuna ng netizens na wala ang mga post ni Kris na kasama si Mel. Maliban na lang sa Christmas Day post ni Kris kung saan ipinaliwanag niya ang tungkol sa kaniyang relief operations sa mga biktima ng bagyong "Odette."
Gayunman, napansin din na inedit ang naturang post at inalis ang bahagi na tinawag niyang "babe" ang dating opisyal: “Thank you babe for being my strength, and because makulit talaga ako sa facts, for making sure na tama lahat ng dates & figures na nilabas natin."
Nito lang nakaraang Oktubre nang maging engaged sina Kris at Mel.
Wala pang pahayag si Kris kung bakit nawala sa kaniyang IG ang mga post na kasama niya si Mel.— FRJ, GMA News