Sa pagsalubong sa Bagong Taon, may ilang tao ang napapaulat na nasusugatan o nasasawi dahil sa ligaw na bala. Ano nga ba ang maaaring ikaso sa mga nagpapaputok ng baril?
Sa "Kapuso sa Batas" sa Unang Hirit nitong Biyernes, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na maaaring maharap sa criminal at civil liability ang isang taong nagpaputok ng baril dahil sa pinsala na nagresulta sa kaniyang pagpapaputok.
Sa ilalim ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, iba pa ang kaso sa isang tao na nagdadala ng baril na walang permit, o pagdadala ng baril na hindi rehistrado. Nasa walong taong pagkakabilanggo ang parusa, at maaari pang bumigat depende sa klase ng baril.
Bibigat pa ang kaniyang kaso kung gumamit siya ng nakaw na baril o unregistered firearm.
May responsibilidad naman ang may-ari ng baril na itago at siguruhing hindi makukuha o mananakaw ng ibang tao ang kaniyang armas, kahit hindi siya nagpaputok ng baril. Kung nagpabaya, maaari siyang magkaroon ng civil liability.
Kapag nawalan ng baril ang isang gun owner dahil sa kaniyang kapabayaan, maaari siyang mawalan ng lisensiya.
Pero ayon kay Concepcion, kumplikado ang pagpapanagot sa isang taong nagpaputok ng baril.
Unang una, maraming baril ang naka-isyu sa mga tao, tulad ng mga security guard, close in security, armed forces, at mga pribadong indibidwal. Bukod pa rito ang mga unregistered na mga baril na wala sa sistema.
Pangalawa, hindi madaling matunton ang taong nagpaputok ng baril, maliban kung mahanap ang balang lumabas mula sa baril, pati na ang baril ng indibidwal mismo.
"Kung ito ay isang security guard na nagpabaril lang into the air at walang witness, mahihirapan talaga silang mahanap kung sino ang suspek in the first place unless merong witness. Hindi ito katulad ng mga kotse na maa-identify mo kung ano 'yung color, 'yung plate number, 'yung chassis number. Pumunta ka ng LTO (Land Transportation Office), maa-identify mo kaagad kung sino ang may-ari nito," anang abogado.
Kung sakaling mahanap ang bala at ang baril, magsasagawa pa ng paraffin test kung saan isa-swab ng mga awtoridad ang mga kamay at damit ng suspek para malaman kung nagpaputok siya ng baril. — VBL, GMA News