Maraming netizens ang naantig ang damdamin nang mag-viral ang video na kuha sa 60-anyos na si Nanay Ligaya, na iniiyakan ang kaniyang mga alagang aso matapos hulihin kaugnay sa anti-rabies campaign ng lokal na pamahalaan ng Minglanilla, Cebu.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang viral video habang iniiyakan at kinakausap ni Nanay Ligaya ang kaniyang dalawang aso na sina Blackie at Brownie, habang nasa sasakyan kung saan sila inilagay matapos na mahuli.
Napag-alaman na walang tirahan si Nanay Ligaya at sa plaza lang at sa bangketa lang natutulog.
Umaasa lang siya sa bigay na mga pagkain, na kaniya namang ipinapakain din sa dalawang aso na sinimulan niyang kupkupin noong Oktubre.
Wala umanong pamilya si Nanay Ligaya, kaya ang dalawang aso ang itinuturing niyang pamilya.
Kaya ganoon na lang ang kaniyang lungkot nang mahuli ang dalawang aso dahil ang mga ito umano ang nagbibigay sa kaniya ng dahilan para mabuhay.
Ang dalawang aso, dinala sa dog pound ng Minglanilla upang hanapan ng mga aampon sa kanila. Ang iba, maaaring isailalim sa euthanasia depende sa magiging rekomendasyon ng duktor.
Pero maaari lang ipaampon ang mga aso--kabilang ang mga aso ni Nanay Ligaya--kung mayroon tahanan ang aampon sa kanila para hindi bumalik sa kalye ang mga hayop.
Sa sitwasyon ni Nanay Ligaya na walang tirahan, may pag-asa pa kaya siyang makuhang muli sina Blackie at Brownie? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News