Matinding pinsala ang iniwan ng bagyong "Odette" sa mga lugar na dinaanan nito. Maraming bahay, establisimyento, gusali at ospital ang winasak. Marami ring buhay ang nawala at nalagay sa panganib tulad ng isang 89-anyos na lola.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang larawan ni Lola Lilia, ng Kabankalan, Negros Occidental, habang ulo na lang tanaw sa ibabaw ng tubig at nakakapit sa puno.

Kasama niya ang ilang kaanak, kabilang ang apo na si Richie, na hindi raw inasahan ang bilis ng pagtaas ng baha sa kanilang lugar nang tumama ang bagyo.

"'Yung pagod at takot mo talagang nagsama-sama. Parang nawawalan na rin ako ng pag-asa. Akala ko nga 'yun na 'yung katapusan namin, e. 'Yung ginawa na lang namin is pray talaga," ayon kay Richie.

Nakita ng mga rescuer sina Richie na lubog na sa baha ang bahay at tanging puno na lang ang kinakapitan nila para mabuhay.

"Sabi namin, huwag kayong bibitaw kasi mag-aantay tayo ng rescue," anang isang lalaki.

Muntik na rin daw sumuko si Lola Lilia sa kanilang sitwasyon.

"Sabi ko matulog na ako, sa tubig. Iyak nang iyak nga sila. Nagdilim nga hindi ko na sila makita. Sigaw sila nang sigaw, palakas ka! Nay! Sa awa ng Diyos maligtas tayo," kuwento ni Lola.

Sa kabutihang-palad, nasagip ang pamilya at magkakasama-sama pa rin sila sa darating na Pasko, kung saan ipagdiriwang din ni Lola Lilia ang kaniyang ika-90 kaarawan.

Pero si Francis Bantigue sa Mandaue City, Cebu, mapupuno ng kalungkutan ang Pasko dahil apat sa kanilang kaanak ang nasawi--kabilang ang kambal niyang mga pamangkin na tatlong-taong-gulang lang.

Nasawi ang kaniyang mga pamangkin, tiyuhin, at asawa ng kaniyang pinsan nang madaganan ang mga ito ng gumuhong pader habang nananalasa ang bagyo.

Dama kay Francis ang matinding kalungkutan na hindi niya nasagip ang kaniyang mga pamangkin.

Sa tuwing napapadaan siya sa lugar kung saan nangyari ang trahediya, tila nadidinig daw niya ang paghingi ng saklolo ng mga bata.

"Sumasakit ang puso ko," umiiyak niyang pahayag.

Ayon sa Philippine National Police, umabot na sa 211 katao ang nasawi dahil sa pananalasa ni "Odette."

Pinakamarami ang naitala sa Central Visayas na umabot sa 129, habang 41 sa Caraga, 24 sa Western Visayas, 10 sa Northern Mindanao, anim sa Eastern Visayas, at isa sa Zamboanga.

– FRJ, GMA News