Laking tuwa ng isang single mom na overseas Filipino worker na nagtatrabahong caregiver sa abroad nang tawagan siya ng "Wowowin-Tutok To Win" dahil may pamasko na ang kaniyang mga anak.
Kuwento ng OFW na si Judith kay Willie Revillame, limang taon na siyang nagtatrabaho bilang caregiver sa Taiwan at hindi pa siya nakakauwi mula noon.
Dahil hiwalay na siya sa kaniyang asawa, sinabi ni Judith na mula sa Cagayan Valley, na nagpasya siyang mangibang-bansa para masuportahan ang pangangailangan ng kaniyang tatlong anak.
Hindi umano kalakihan ang kaniyang sahod kaya labis ang pasasalamat niya na mapili siya ni Kuya Wil, na may regalo sa kaniyang P30,000.
"May pamasko na kayo!," sabi ni Judith sa kaniyang mga anak.
Ipinagdasal daw niya na sana ay mapili siya at pinakausapan niya ang isa niyang kaibigan para isali ang kaniyang pangalan sa mga pagpipilian ni Kuya Wil na pagkalooban ng pinansiyal na tulong.
Ayon kay Judith, nangibang-bansa siya para matustusan ang pag-aaral ng kaniyang mga anak.
"Hindi ko na naman makasama [mga anak ko sa Pasko] limang taon na," aniya.
Payo niya sa ibang OFW, "Ituon na lang sa anak nila ang pagpunta nila sa abroad at isipin ang kinabukasan nila."
--FRJ, GMA News